direk-wenn-deramas-2 copy

MARAMI ang hindi makapaniwala sa pagpanaw ni Wenn Deramas, 49, dahil sa cardiac arrest kahapon ng madaling araw.

Isa sa mga pinakamalikhaing direktor na may common touch sa moviegoers, very lovable at affectionate din sa lahat ng nakakatrabaho, kaibigan, at kakilala si Direk Wenn kaya nalungkot ang lahat sa local entertainment industry sa bumungad na balita sa pagkagising nila.

Ayon sa interview kay Ms. June Rufino, kaibigan at manager ng box office director, unang isinugod sa Capitol Medical Center ang isang kapatid ni Direk Wenn na dead on arrival (DOA) na. Nang magtungo si Direk Wenn sa naturang ospital para puntahan ang kapatid, siya naman ang inatake, na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Agad bumuhos ang pakikiramay sa social media ng lahat ng mga kasamahan sa industriya ni Direk Wenn.

“Sobrang nalungkot ako. Pagkagising ko, hindi ko kinaya ang mga text messages. Ang lungkot. Sobrang mami-miss ko nang husto si Direk Wenn, Hay,” banggit ni Sunshine nang tumawag sa amin habang nasa simbahan kami kahapon. Sa kanya namin nalaman ang naturang balita.

Halos araw-araw, gaano man ka-busy, laging may ipinapadalang inspirational messages sa text si Direk Wenn sa mga taong malalapit sa kanya.

Maging si Vilma Santos ay nabigla rin sa balita. May pinaplanong pelikula ang gobernadora para sa Star for All Seasons na si Direk Wenn sana ang magdidirek. Naidirihe na ni Direk Wenn si Ate Vi nang magkaroon siya ng special participation sa pelikulang D’Lucky Ones na pinagbidahan nina Sandara Park, Joseph Bitangcol, Eugene Domingo at Pokwang.

Tinawagan namin kahapon si Atak, ang common friend namin ni Direk Wenn na halos araw-araw kasama ng box office director.

“Very supportive sa career ko si Direk Wenn. Malaki ang ginawa niya para mabago ang takbo ng buhay ko. Sayang talaga, bakit siya pa ang kinuha ni Lord? Si Direk Wenn, mahal na mahal niya ako na parang kapatid niya talaga,” sabi ni Atak, at idinugtong na sana raw ay siya na lang ang kinuha ni Lord.

Alam daw kasi niya na marami ang umaasa kay Direk Wenn.

“Alam kong maganda ang kalalagyan ni Direk Wenn sa Itaas. Kasi napakabuti niyang kaibigan at higit sa lahat, sobrang mabuti siyang ama at ina sa dalawa niyang anak,” dagdag pa ni Atak.

Halos lahat ng mga pelikulang ginawa ni Direk Wenn ay pumatok sa takilya, lalung-lalo na ang mga pinagbidahan ni Vice Ganda. Ang ilan sa tumabong mga pelikula niya ay ang Ang Tanging Ina franchise, Petrang Kabayo, Sisterakas, Moron 5 and the Crying Lady, The Unkabogable Praybeyt Benjamin, Girl, Boy, Bakla, Tomboy, The Amazing Praybeyt Benjamin at ang highest-grossing Filipino film of all time na Beauty and the Bestie.

Sa telebisyon naman, siya ang nasa likod ng pawang naging top-rater na teleseryeng Mula sa Puso, Saan Ka Man Naroroon, Sa Dulo ng Walang Hanggan, Marina, Kampanerang Kuba, Walang Kapalit, Diyosa, Kahit Puso’y Masugatan at Flordeliza.

Sa 47th Box Office Entertainment Awards na gaganapin sa April 17, pararangalan si Direk Wenn bilang Most Popular Director. (JIMI ESCALA)