TALISAY CITY, Cebu – Hinatulan ng guilty ng isang regional trial court (RTC) judge ang isang 34-anyos na lalaki sa pagpatay sa dalawang babae, ang isa sa mga ito ay nobya ng kanyang kapatid, at pagpuputul-putol sa katawan ng mga ito noong 2008.

Sinentensiyahan kahapon ng umaga ni RTC Judge Generosa Labra si Richard Gudelosao ng 80 taong pagkakakulong para sa kasong double-murder na gumitla sa Cebu noong 2008.

Inabsuwelto naman ang kasintahan at kapwa akusado ni Gudelosao na si Jean Antonette Medalle.

Ibinaba ang hatol kay Gudelosao limang taon ang nakalipas makaraang umamin sa krimen ang isa pang suspek, si Joseph Roy Cellar, 35 anyos. Hinatulan si Cellar ng 20 hanggang 40 taon sa piitan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napatunayan ni Labra na nagkasala si Gudelosao sa pagpatay sa noon ay 24-anyos na nurse na si Eva Mae Peligro, at pinsan nitong si Gwendolyn Balasta, 26, sa bahay ng mga biktima sa Talisay City noong Hulyo 24, 2008.

Si Gudelosao ang itinurong utak sa pagpatay at pag-chop-chop kina Peligro at Balasta. Inggit at alitan sa pamilya ang napaulat na motibo sa krimen.

Si Peligro ang fiancée ng kapatid ni Gudelosao na nasa Amerika nang panahong gawin ang krimen. Sinakal ang magpinsan bago pinagputul-putol ang katawan ng mga ito ay ipinagsiksikan sa ilang garbage bag.

Kasama si Cellar, isinakay ni Gudelosao ang chop-chop na mga bangkay sa taxi ng huli bago itinapon ang mga ito sa magkakaibang lugar sa mga siyudad ng Talisay at Naga, at sa bayan ng Minglanilla.

Sinabi naman ni Atty. Salvador Solima, abogado ni Gudelosao na iaapela nila sa Korte Suprema ang hatol.

(Mars W. Mosqueda, Jr.)