Hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tulong ng Office of the Ombudsman para mapanagot ang mga opisyal ng barangay sa pagbabara ng mga basura sa mga estero at iba pang daluyan.

Ito ang inihayag ni MMDA Chairman Emerson Carlos kaugnay ng pagpapatuloy ngayong Martes ng paglilinis ng ahensiya sa mga estero, alinsunod sa RA 9003 (Solid Waste Management Act).

Ngunit sa pagkakataong ito, ayon kay Carlos, makikialam na ang Ombudsman sa pagpapatupad ng programang “Estero Blitz”.

“Kukuhanan namin ng litrato ang mga baradong estero o waterways bago at pagkatapos linisin,” sinabi ni Carlos sa panayam ng DZBB.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Aniya, bibigyan ng MMDA ng kopya ng litrato ang Ombudsman at ang barangay na nilinis.

“Sa pagbalik namin sa subject waterways at nakita naming hindi napanatili ang kalinisan, bibigyan namin ng panibagong litrato ng estero ang Ombudsman,” ani Carlos, sinabing gagamitin ng ahensiya na ebidensiya ang mga litrato upang mapanagot ang mga nagpabayang opisyal ng barangay.

Sinabi ng MMDA chief na ipauubaya na ng ahensiya sa Ombudsman kung paano papanagutin ang mga opisyal ng barangay.

Pakikilusin ng MMDA ngayong Martes ang daan-daang tauhan ng ahensiya para sa paglilinis ng mga estero, ayon kay MMDA Flood Control and Management Office Head Baltazar Melgar. (Anna Liza Villas-Alavaren)