OKLAHOMA CITY (AP) – Gaano man kalayo ang tira ni Stephen Curry, tila may magneto ang bola patungo sa target.
Naisalpak ng reigning MVP ang three-pointer sa layong mahigit sa 30 talampakan, may 0.6 segundo sa overtime para ihatid ang Golden State Warriors sa 121-118 panalo kontra Thunder nitong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).
Tumapos si Curry na may 46 na puntos at ang 3-pointer ang ika-12 sa laro, sapat para pantayan ang NBA single-game record. Nalampasan naman niya ang sariling marka sa pinakamaraming 3-pointer sa isang season sa naitumpok na 288.
Dahil sa panalo, nakamit ng Golden State ang kauna-unahang puwesto sa playoff tangan ang 52-5 karta.
Ito ang ikalawang panalo ng Warriors sa Thunder ngayong season matapos magwagi sa una nilang pagtutuos, 116-108, noong Pebrero 6 sa Oracle Arena.
Nanguna si Kevin Durant sa Thunder na may 37 puntos.
Sa iba pang laro, nagwagi ang Brooklyn Nets kontra Utah Jazz, 98-96; nanaig ang Detroit Pistons sa Milwaukee Bucks, 102-91; pinabagsak ng Phoenix Suns ang Memphis Grizzlies, 111-106; nakuha ng San Antonio Sputs ang ika-50 panalo nang gapiin ang Houston Rockets, 104-94; pinabagsak ng Minnesota Timberwolves ang New Orleans Pelicans, 112-110.