NANG bumuo ang Commission on Higher Education (CHED) ng implementing rules and regulations (IRR) para sa Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Act (Unifast) sa susunod na buwan, isang malaking hakbang ang gagawin sa pagpapatupad ng probisyon sa Konstitusyon na umaapela para sa “a system of scholarship grants, student loan programs, subsidies, and other incentives which shall be available to deserving students in both public and private schools, especially to the underprivileged.”
Ang Pilipinas ay may sistema ng libreng edukasyon para sa publiko sa elementarya at sekundarya, ngunit sa edukasyon sa kolehiyo, may magkakaibang programa na ipinatutupad ng magkakaibang ahensiya. Kaya nagkaroon tayo ng “Study Now, Pay Later” loan program. Mayroon ding mga libreng scholarship sa University of the Philippines para sa mga valedictorian at mga salutatorian sa mga pampublikong high school. Nariyan din ang mga scholar sa ilang partikular na larangan, gaya ng siyensiya.
Sa pamamagitan ng Unifast, pag-iisahin na ngayon ang lahat ng college assistance program ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno—scholarships, loans, at grants-in-aid—at magkakaroon ng sistema na may central data base. Ang mga programa sa libreng edukasyon na dati ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng Priority Development Assistance Funds (PDAF) ng mga mambabatas at ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ay magpapatuloy bilang bahagi ng Unifast.
Ang programa ay pangangasiwaan ng isang Unifast Board, na ang mga pinuno ng CHED at Department of Science and Technology (DoST) ang co-chairmen, habang kasapi naman ng board ang mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DoLE), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“The unified system will ensure that student financial aid programs are adequately funded at all times and effectively carried out,” sabi ni Pasig City Rep. Roman Romulo, na may akda ng batas, ang Republic Act 10687. Gagabayan nito ang mga benepisyaryo sa pagkuha ng mga prioridad na kurso na kinakailangan sa pambansang kaunlaran at pagbabago. Magpapatupad ng mga kinakailangang reporma ang Unifast Board habang nasa implementasyon ang programa, ngunit ito ay magiging malaya hanggang maaari. Ito ay magsisilbing pamumuhunan ng gobyerno sa mamamayan, aniya.
Sinabi ni Congressman Romulo na mas pinipili ngayon ng ibang mga bansa ang mga Pilipinong manggagawa dahil sa kanilang “soft skills”—ang kakayahang makibagay sa ibang tao, at kahandaang tumulong sa lahat ng oras. Kung marami sa kanila ang madadagdagan ng “hard skills”—ang kaalaman at pagsasanay na natamo sa kolehiyo—magiging katangi-tangi ang kanilang husay, aniya.
Umaasa ang Unifast program na mapagkakalooban ang mas maraming Pilipino ng karagdagang kakayahang ito. Ang edukasyon sa kolehiyo ay hindi kapareho ng antas ng libreng edukasyon sa elementarya at sekundarya, ngunit magbubukas ng mas maraming pintuan ang Unifast at magkakaloob din ng mas maraming oportunidad para sa mamamayan.