LALAGDAAN ng Japan ang isang kasunduan sa Pilipinas na magpapahintulot sa Tokyo na mag-supply ng kagamitang militar sa Maynila, ang unang kasunduang pangdepensa ng Japan sa rehiyon na kapwa nababahala ang dalawang bansa kaugnay ng pagtatayo ng mga isla at iba pang agresibong pagkilos ng China sa mga pinag-aagawang karagatan.
Sinabi ni Defense Secretary Voltaire Gazmin sa The Associated Press na ang kasunduang lalagdaan niya ngayong Lunes kasama ang embahador ng Japan sa Maynila ay hindi direktang pagkontra sa alinmang bansa, ngunit layuning tugunan ang mga kakulangan sa kakayahan ng militar ng Pilipinas na sapul ay kapos sa kinakailangang pondo.
Sinimulan ng magkaalyadong bansa sa Asia ang pagtutulungan nito sa pagpapalakas ng depensa “even before the disagreement in the West Philippine Sea”, ayon kay Gazmin, gamit ang pangalang itinakda ng gobyerno ng Pilipinas para sa pinag-aagawang South China Sea, na ilang taon na ang alitan nito sa Beijing dahil sa kapwa pag-angkin sa mga teritoryo sa karagatan.
“It’s not directed against any country,” paglilinaw ni Gazmin, malinaw na sinisikap na maiwasan ang anumang hindi magandang reaksiyon ng China.
Hayagang pinag-iibayo ng magkalapit-bansa ang kanilang ugnayang pulitikal at pang-seguridad, kabilang na ang pagsasagawa ng pinag-isang naval search at rescue drills malapit sa South China Sea noong nakaraang taon na labis na ikinagalit ng Beijing.
Nagpalitan din ng pagbisita sina Pangulong Benigno S. Aquino III at Japanese Prime Minister Shinzo Abe at nangakong paiigtingin ang pagtutulungan sa pagpapalakas ng kani-kanilang depensa, na nagbunsod sa mga pag-uusap sa posibilidad na magkaroon sila ng isang kasunduang pang-seguridad na magpapahintulot sa puwersang Japanese para magsagawa ng mas malalaking drill kasama ang mga sundalong Pilipino sa Pilipinas. Nauna nang lumagda ang Pilipinas sa kaparehong kasunduan sa United States.
Noong nakaraang buwan, bumisita sa bansa si Japanese Emperor Akihito para magbigay-pugay sa mga biktima ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas, na rito nakalibing ang pinakamalaking tropa ng mga sundalong mandirigma na nasawi sa labas ng Japan.
Noong 2015, inaprubahan ng parlamento ng Japan ang isang kontrobersiyal na panukala na nagpapalawak sa tungkulin ng militar nito sa pagbawi sa ilang limitasyon ng batas matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, muling pinagtibay ang konstitusyon ng Japan at binago ang paraan ng paggamit sa militar nito.
Sa unang pagkakataon simula nang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maaari na ngayong depensahan ng militar ng Japan ang mga kaalyado nito kahit pa hindi inaatake ang Tokyo, at higit pang makikipagtulungan sa United States at sa iba pang mga bansa.
Umani ng protesta at pinagdebatehan ang nasabing batas kung dapat bang talikuran na ng Japan ang matagal na nitong tradisyon ng pamamagitan sa mga alitan upang harapin ang tumitinding pagsubok sa seguridad sa rehiyon.
Inihayag naman ni Gazmin na hindi pa natalakay kung aling kagamitang militar ang maipagkakaloob ng Japan sa Pilipinas, ngunit sinabing kailangang pagtuunan ng sandatahan ng Pilipinas ang kakayahan nito sa intelligence, surveillance, at reconnaissance. - Associated Press