Plano ng Commission on Elections (Comelec) na baguhin ang format ng susunod na presidential debate para sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.

Ito ay kasunod ng mga punang tinanggap ng Comelec kaugnay ng unang serye ng presidential debate na idinaos noong Pebrero 21 sa Cagayan de Oro City.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, ilan sa pinag-aaralan nilang baguhin ay ang time limit na ibinibigay sa mga presidential candidate.

Aniya, maaaring pahabain nila ito upang mas mabigyan ng pagkakataon ang mga presidentiable na makapagpaliwanag sa mga isyung ibinabato sa kanila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunman, ipauubaya pa rin, aniya, ng Comelec sa lead organizer ang pagtatakda ng bagong format upang maging akma ang mga ito sa manonood.

Sinabi rin ni Bautista na positibo man o negatibo ang mga naging reaksyon sa naunang debate ay ikinatutuwa ito ng poll body, dahil nangangahulugan, aniya, ito na marami ang tumutok dito.

Sa ngayon, aniya, ay pinag-aaralan din nila ang format ng mga presidential debate na ginaganap sa ibang bansa at titingnan kung angkop itong gawin sa Pilipinas.

Kaugnay nito, hiniling din ng kampo ni Vice President Jejomar C. Binay, standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA), sa Comelec sa mga media partner nito na gumamit ng sign language interpreter sa natitirang dalawang presidential debate upang maunawaan din ng mga may problema sa pandinig ang talakayan ng mga kandidato sa pagkapangulo.

Iginiit ni Mon Ilagan, tagapagsalita ng UNA, na dapat hilingin ng Comelec sa mga media organizer at sa TV network na kunin ang serbisyo ng sign language interpreter para sa mga live broadcast ng presidential debate.

Pabor din ang kampo ng UNA sa pagtatalaga ng upuan o espesyal na lugar para sa persons with disabilities (PWD) at mga senior citizen upang maengganyo ang iba pang sektor na makibahagi sa debate.

Ang ikalawang presidential debate ay idaraos ng Comelec sa Visayas sa Marso, habang ang ikatlo naman ay idaraos sa Luzon sa Abril. (Mary Ann Santiago at Ellson Quismorio)