Ni Gilbert Espeña
CEBU CITY – Hindi napahiya ang local fighter, sa pangunguna ni WBO Inter-Continental super bantamweight champion Albert Pagara, matapos salantain ang kani-kanilang foreign rival nitong Sabado ng gabi sa ‘Pinoy Pride 35: Stars of the Future’ sa Waterfront Hotel ang Casino dito.
Kamao at hindi bibig ang ginamit ni Pagara laban sa matalak na si Yesner Talavera ng Nicaragua at pinaluhod ito sa ika-pitong round tungo sa dominanteng unanimous decision.
Nakamit ng walang gurlis na si Pagara (25 panalo, tampok ang 18 TKO), ang iskor na 120-107, mula sa mga huradong sina Salven Lagumbay at Greg Ortega, habang nagbigay ng 119-108 si judge Edward Ligas.
“Pinamukha ko sa kanya na mas matibay ang kamao kesya sa bunganga sa laban. Puro kahol lang siya wala namang kagat,” sambit ni Pagara, patungkol sa mga pahayag ni Talavera sa pre-fight media conference.
“Sabi niya patutulugin niya ako. Paano niya gagawin yun eh! puro takbo siya,”aniya.
Taliwas sa mga naging pahayag ni Talavera, wala itong bigwas na nakasakit sa Pinoy fighter at sa ikapitong round napaluhod ito nang tamaan sa katawan ni Pagara.
Bunsod ng panalo, inaasahang makakasungkit ng world title fight ang 22-anyos na si Pagara, kasalukuyang No. 2 contender kay WBO junior featherweight champion Nonito Donaire Jr. ng Pilipinas, No. 3 kay IBF titlist Carl Frampton ng Great Britain at No. 8 kay WBC king Julio Ceja ng Mexico.
Pumuntos si Mark Magsayo ng knockdown sa 7th round sa sunud-sunod na bigwas sa bodega ni Mexican Eduardo Montoya, ngunit hindi niya ito napatulog dahil umiwas na lamang sa mga pamatay na suntok ng Pilipino.
Natamo ni Magsayo ang bakanteng WBO Youth featherweight title matapos makuha ang iskor mula kina Edgar Olalo, 100-89; Samson Libres, 97-92; at Tony Pesons, 99-90.
Napaganda ni Magsayo ang kanyang kartada sa perpektong 13 panalo, 10 sa pamamagitan ng knockouts at inaasahang papasok na rin siya sa world ranking.
Nagwagi rin sa undercard si Pinoy boxer Kevin Jake Cataraja sa impresibong 8-round unanimous decision kay Tony Rodriguez ng Mexico.