Ni EDD K. USMAN
Mainit ang pagtanggap ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ang tanging kandidato sa pagkapangulo sa May 9 elections na naglakas-loob na bumisita sa kampo ng mga rebelde sa Maguindanao.
“No-show” naman sa okasyon sa Camp Darapanan ang katambal ni Duterte na si Sen. Alan Peter Cayetano, na kilalang kritiko ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na isinusulong ng MILF.
Matatandaan na binansagan din ni Cayetano ang MILF bilang “teroristang grupo” sa pagdinig sa Senado sa madugong Mamasapano massacre noong 2015.
Pinangunahan ni Ghazali Jaafar, MILF vice chairman, ang pagtanggap kay Duterte nitong Sabado.
Sinabi ng MILF na hindi sumipot si Duterte sa Camp Carapanan upang mangampanya kundi para makipagtalakayan sa mga rebeldeng sesesyunista tungkol sa isinusulong niyang federalismo bilang solusyon sa kaguluhan sa Mindanao na tumagal na ng ilang dekada.
“Kung hindi uubra ang federalism, kukumbinsihin ko ang Kongreso na ipasa ang Bangsamoro Basic Law na magiging template para sa federalism,” ani Duterte.
Bagamat hindi nagpakita si MILF Chairman Al-Haj Murad Ebrahim sa talakayan ni Duterte sa Peace Process Secretariat Office, sumalubong naman sa alkalde sina Sammy Al Mansor, pinuno ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) at ilang opisyal ng MILF Central Committee, ayon sa ulat ng Luwaran.com.