Ni REGGEE BONOAN

INIHAYAG na ng Cinema One Originals, taunang film festival ng nangungunang cable channel ng bansa na pinamumunuan ni Ronald Arguelles, ang pinakabagong “Full-Length Documentary” category.

“Sa ika-12 taon ng  festival ngayong taon, namili ang channel ng tatlong finalist na bibigyan ng  Php1.5M bawat isa para i-produce ito,”  sabi ni Ronald.

Ang mga dokyu ay ang mga sumusunod.

Tsika at Intriga

Habang si Maris namundok: Anthony, pumarty kasama ang Incognito stars

1. Piding nina Paolo Picones at Gym Lumbera - Ang pagkakadiskubre sa isang misteryosong ibon ay nakatulong sa paglikha ng isang alamat tungkol sa isang lalaking siyentipiko na nagbakasyon sa magandang isla ng Calayan. Habang ginagalugad ang nasabing isla, natagpuan niya ang isang ibon na nakagulo sa kanyang bakasyon.

2. Forbidden Memory ni Gutierrez Teng Mangansakan - Pagbabalik-tanaw sa taong September 1974 na may 1,500 na lalaki galing Malisbong at katabing barrio ng Palimbang, Sultan Kudarat na napatay at 3,000 na kababaihan at kabataan naman ang pilit pinasakay at pinahirapan sa mga barko. Pagkaraan ng 40 taon ng katahimikan, magsasalita ang mga nakaligtas tungkol sa kanilang mga mapait na karanasan.

3. People Power Bombshell (The Diary of Vietnam Rose) ni John Torres - Tungkol kay Liz Alindogan at ang kanyang paglalahad ng masasakit na sinapit sa paggawa ng pelikula noong 19 taong gulang pa lamang siya at baguhang artista. Ang misteryosong paglalahad niya ay makakapaisip sa manonood kung ito’y totoo o kathang-isip lamang.

“Excited kami sa line-up ngayong taong ito kung saan ang Cinema One Originals documentaries na ito ay ipapalabas kasama ang mga mapipiling pitong Full-Length Feature category films na ipapalabas sa November 2016 para sa 12th Cinema One Originals Festival,” pahayag ni Mr. Arguelles.