ANG Mount Pulag ang ikatlong pinakamataas na bundok sa Pilipinas, kasunod ng Mt. Apo at Mt. Dulang-dulang. May taas itong 2,922 meters above sea level at matatagpuan sa mga hangganan ng Benguet, Ifugao, at Nueva Vizcaya. Popular ang tuktok ng Mt. Pulag sa nakamamanghang tanawin ng bukang-liwayway na mistulang lumalangoy sa dagat ng ulap, at masisilip din ang Milky Way Galaxy kapag madaling araw.
Pebrero 20, 1987 nang ideklara ang Mt. Pulag bilang National Park, sa bisa ng Proclamation No. 75. Layunin nitong pangalagaan ang kapaligiran ng bundok laban sa anthropogenic threats tulad ng pagkalbo sa kagubatan para mapakinabangan sa agrikultura, pagputol sa mga punongkahoy para sa troso, pangangaso, at pagsigla ng turismo. Noong 1990, ang Mt. Pulag National Park ay naging bahagi ng Debt-for-Swap ng World Wide Fund for Nature sa loob ng tatlong taon. Ito ay ang pakikipagpalit o kanselasyon ng external debt obligation para makibahagi sa pagsisikap ng bansa na mapangalagaan ang parke. Bukod dito, idinagdag din ang Mt. Pulag sa National Integrated Protected Areas Program o NIPAP. Ang proyekto ay mula sa financing memorandum ng gobyerno ng Pilipinas at ng European Union na nilagdaan noong Mayo 1995.
Ang Mt. Pulag ay tahanan ng maraming species na mahalaga sa pagpapanatiling balanse ng flora at fauna sa kagubatan.
Nasa pusod ng kabundukan ang umaabot sa 528 documented plant species at ang 251 species na sa Pilipinas lamang matatagpuan, 33 uri ng ibon, at ang mga nanganganib nang maglahong hayop na gaya ng Giant Bushy-tailed Cloud Rat, Philippine Deer, at Long Haired Fruit Bat.
Kamakailan ay dinayo ng mga turista ang bundok, partikular na ang napakagandang tanawin sa tuktok nito. Bagamat epektibong napoprotektahan ng DENR at ng mga residente, lantad pa rin ang Mt. Pulag sa pinsala dahil sa pagdami ng mga taong umaakyat dito. Hangad ng Mt. Pulag National Park Office na mabawasan ang bilang ng mga turista sa bundok upang maibsan ang pinsalang idinudulot ng mountaineers.
Tuwing weekends, umaabot sa 400 ang bumibisita sa Mt. Pulag at ipinagbabawal ang pagkakampo sa tatlong campsite, at tanging sa paligid ng Ranger Station lamang pinapayagan ang camping. Ang pananatili sa camping sites ay pinahihintulutan lamang tuwing weekdays. Layunin ng DENR na mabawasan ang bumibisitang turista kada araw, at limitahan na lang sa 100 ang pahihintulutan. Bagamat sinisikap na maipatupad ang limitasyon, maraming walk in visitors na nagpupumilit maranasan ang trekking at camping.
Bago akyatin ang bundok, dapat munang kumuha ng permit mula sa Mt. Pulag National Office. Bukod dito, kailangan din na may medical certificate para na rin sa kaligtasan ng trekker. Mahigpit ding ipinatutupad ang “Take nothing but pictures” at “Leave nothing but footsteps”.
Bago akyatin ang Mt. Pulag, kinapanayam namin si Roy Tello, ng Mt. Pulag National Office, pagkatapos ng pagbibigay niya ng introduction sa pag-akyat. Labing-anim na taon na siya sa tungkulin at nasaksihan niya ang hindi magandang epekto sa bundok ng pagsigla ng turismo sa Mt. Pulag. Aniya, posibleng tuluyan nang isara sa publiko ang Mt. Pulag sa susunod na taon upang mabawi ng bundok ang likas na ganda nito.
Nabanggit din ni Tello na noong dekada ’70 at ’80, manaka-naka pang nasisilayan ng mga turista at mga residente ang cloud rats.
“Hina-hunt ng mga locals para sa pulutan, kasi bawal na ang aso,” natawang sabi ni Tello. Ngayon, walang maririnig na kahit mahinang huni ng ibon. Nabanggit din ni Tello na noon ay nakakapamitas pa ng orchids specimens sa kagubatan ang turista para iuwi.
“Ngayon, ‘pag may nahuling kumuha ng orchid, confiscated ang pinitas mo at kita-kits na lang sa police station,” ani Tello.
Hindi na rin natural ang mga mountain trail, na ngayon ay may batong tuntungan na. Bakas din ang pagkagasgas ng mga bato sa daanan dahil sa dami ng nagti-trekking. Bagamat napadadali nito ang pag-akyat, nababawasan nito ang likas na ganda ng Mt. Pulag.
“Dahil sa social media, dumadami nang dumadami ang pumupunta dito, kasi gustong makita ‘yung sunrise,” sabi ni Tello.
Marami nang nagmungkahi na isara ang Mt. Pulag sa isang partikular na panahon upang mabawi ng bundok ang likas na ganda. Bagamat maganda ang ideyang ito at makabubuti sa kalikasan, maraming ibang bagay ang maaapektuhan. Pangunahin na rito ang pagdepende ng maraming residente sa turismo mula sa pagsasaka, kaya tiyak na marami ang mawawalan ng trabaho at maiisipang taniman ang kagubatan. Kapag nawala ang isang bahagi ng kagubatan, tiyak nang negatibong maaapektuhan nito ang flora and fauna. Parehong talo ang kalikasan at ang mga residente.
Kailangan ang mahigpit na pagpapatupad at pagsunod sa mga alituntunin. Mahalaga ring patas ang pakinabang ng kalikasan at ng mamamayan upang mapanatili ang likas na ganda ng Mt. Pulag at ang pagkakakitaan ng mga residenteng nakikinabang dito.
“Dapat balance lang,” sabi nga ni Tello. (PATRICIA B. ILAGAN, Environmental Biologist)
[gallery ids="154987,154986,154985"]