Sa kabila ng pahayag na hindi siya pabor sa muling pagdedeklara ng batas militar, iginiit pa rin ng isang opisyal ng Palasyo na hindi dapat pagkatiwalaan ang vice presidential candidate na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa mas mataas na posisyon sa gobyerno.
Inihirit ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na hindi mapagkakatiwalaan at dapat papanagutin si Sen. Bongbong, anak ng yumaong diktador na si Ferdinand Edralin Marcos, sa mga karahasan sa batas military na ipinatupad ng ama nito.
“Trustworthiness of a person is based on honesty and accountability. Mr. Marcos’ record as a vice presidential candidate shows that he is seriously lacking in both aspects,” pahayag ni Coloma sa text message. “He continues to paint a rosy picture of what actually happened during martial law and glosses over the oppressive character of the dictatorship.”
Subalit ipinauubaya na ng Malacañang sa mga botante kung iboboto ng mga ito ang isa pang Marcos sa poder.
Sa paggunita ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution nitong Huwebes, binatikos ni Pangulong Aquno si Bongbong Marcos sa ambisyon nitong mahalal bilang bise presidente, dahil sa posibilidad umanong bumalik ang madilim na yugto ng batas militar sa bansa. - Genalyn D. Kabiling