Ni Angie Oredo
CAGAYAN DE ORO CITY – Pudpod na sapatos, walang kalidad na bisikleta, at cycling equipment ang bitbit nina John Paolo Ferfas at Ranlean Maglantay nang magpalista para makalahok sa Mindanao Stage ng LBC Ronda Pilipinas.
Walang karanasan, ngunit may ambisyon sa buhay.
Hindi man nila natupad ang mithiin sa ngayon, asahang makakamit nila ang pangarap na tagumpay.
Sa kanilang paglalayag para sa mga susunod na karera, siniguro ng organizing LBC at MVP Sports Foundation, na makakasabay sila sa labanan gamit ang dekalidad na kagamitan.
Ipinagkaloob ng organizer, kinatawan ni Ronda Pilipinas project director Moe Chulani, ang mga bagong kagamitin at bike na nagkakahalaga ng P400,000.
“Ito naman ang essence ng ating Ronda, matulungan ang ating mga kababayan na matupad ang kanilang pangarap at umunlad sa sports na kanilang napili,” pahayag ni Chulani.
Kapwa walang inaasahan kundi ang patunayan sa kani-kanilang pamilya na kaya nilang abutin ang kanya-kanyang pangarap, kapwa tinapos ng tinaguriang “Wonder Boys” ang karera sa matikas na pamamaraan kahit laging nasa hulihan ng mga beterano, sa pangunguna ni Mindanao Stage champion Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance.
Gamit ang mga palyadong bisikleta, ipinamalas nina Ferfas at Maglantay ang matinding pagnanais na matapatan ang beteranong kalaban at makumpleto ang karera kung saan halos kapwa wala silang tsansang manalo.
Ang masaklap, limitado rin ang kanilang pagkain dahil sa kakulangan ng budget.
Sa kabila nito, ipinamalas nila ang pusong palaban at pagnanais na magtagumpay.
“Pangarap po talaga namin kumarera sa Ronda,” sambit ni Ferfas na mula sa Marbel, South Cotabato.
“Ulila na po kami sa ina,” sabi ni Ferfas. “Tumigil na po ako sa pag-aaral para pagbigyan ang nakakatanda kong kapatid na babae para makapag-college. Hindi na po ako nakapag-high school at maliban po sa karera ay nag-aayos ako ng bisikleta doon sa bikeshop na pinapasukan ko para matulungan ko tatay ko,” aniya.
Kakaiba naman ang buhay ni Maglantay.
Sa taas na 4-foot-8 at patpating pangangatawan, walang lugar si Maglantay sa Ronda, higit at maling bisikleta ang bitbit nito.
Subalit, umayon ang tadhana para sa 18-anyos na rider.
“I told myself, why should we not allow this boy to race?” sabi ni Chulani. “He came from South Cotabato to Butuan with a cheap bike and rubber shoes just to compete and live a dream. It’s worth giving him a chance.”
“And that is the true essence of LBC Ronda Pilipinas, giving everyone who has a dream a chance,” aniya.
Sa pagratsada ng Visayas at Luzon Stage ng Ronda, asahan ang presensiya ng dalawa. Ngunit, huwag na ring magulat kung makasama sila sa individual classification.
Maipagpapatuloy nila ang kanilang ambisyon. At ang kanilang kasaysayan ang magiging inspirasyon sa marami pang kabataan na naghihintay ng pagkakataon sa mga lalawigan.