Tatangkain ni one-time world title challenger John Mark Apolinario ng Pilipinas na muling makabalik sa world boxing ranking sa pagsabak sa walang talong si Luke Jackson ng Australia para sa bakanteng WBA Oceania featherweight title sa Marso 5 sa City Hall, Hobart, Tasmania, Australia.
Ito ang unang laban ni Apolinario sa ‘Down Under’ bagamat beterano na siya sa mga laban sa Argentina, Panama, Mexico, at Japan sa pagtatangkang maging kampeong pandaigdig.
Dalawang beses nakaduwelo ni Apolinario si two-division world champion Roberto Vasquez ng Panama, ngunit nagtabla ang kanilang mga sagupaan para sa interim WBA bantamweight crown noong 2012 at 2013.
Samantala, natalo si Apolinario sa puntos nang hamunin si WBA bantamweight titlist Koki Kameda noon ding 2013 sa Tokyo, Japan.
Sa kasalukuyan, si Jackson ang reigning Australian featherweight champion na may 10-0 karta, tampok ang limang knockout at ngayon lamang sasabak sa isang Pinoy boxer.
Tangan ni Apolinario na markang 19-6-3, kabilang ang limang knockout. - Gilbert Espeña