Hindi pa kinukupasan ng panahon ang husay at galing ni multi-titled Glenn Aguilar, sa kanyang muling pag-arangkada laban sa mga sumisikat na rider sa unang leg ng 2016 Diamond Motocross Series nitong weekend sa MX Messiah Fairgrounds, Club Manila East, Taytay Rizal.
“I’m enjoying while making the sport grow. I’m here trying to make the pace faster for the next generation. There is nothing to prove but have the young guys improve their talent,” pahayag ng 16-time Rider of the Year at PSA motocross award recipient.
“I am thankful to the Lord for the strength since I should be retiring right now... We want to promote motocross caused it’s the sport we love,” aniya.
Bukod sa paglahok sa mga torneo, nagsasagawa rin ng sariling pakarera ang 40-anyos na si Aguilar sa Daanghari, Cavite.
Hinigitan ni Aguilar ang mas mga nakababatang karibal na magkakapatid na Enzo, JC at Jepoy Rellosa, gayundin ang magkapatid na Ralph at Christian Ramento at Mindanao-based Doy-doy Bandigan, gumawa ng sopresa nang pumangalawa sa Moto 2 at ikaapat sa Moto 1.
Nagwagi naman si Jepoy Rellosa sa Prolites category kontra kina Ralph Ramento at 3rd placer Mclean Aguilar, anak ni Glenn, sa karera na itinataguyod ng Wheeltek, Dunlop tires, Coffee Grounds, Xtreme Adrenaline Sports Entertainment Co., PTT Philippines Corporation, Monster Energy at Municipality of Taytay.
Nagpamalas din ng kahusayan sina John Antonio sa Amateur Open, Jolet Jao sa Veterans Open, Roman Laurente sa Executive Open, Janelle Saulog sa Ladies category, Wenson Reyes sa Kids 50cc at 65cc, Bienvinido Torres Jr. sa Open Local Underbone, Christopher Oberio sa Open Local Enduro, Jano Mercado sa MMF Academy, gayundin si Vincent Jimenez ng Newbie Open Production.