Binatikos ng isang opisyal ng Malacañang si United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar C. Binay dahil sa umano’y pabagu-bago nitong posisyon sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas kilala bilang “4Ps”, na ayuda ng administrasyon para sa mga maralita.

Ayon kay Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) Undersecretary Manuel Quezon III, dati’y binabanatan ni Binay ang 4Ps subalit ngayo’y todo-papuri ang itinuturing na lider ng oposisyon.

“To be very frank with you, I guess we’re kind of used to the fact that the Vice President has very malleable opinions [on CCT],” pahayag ni Quezon sa panayam ng radyo DZRB.

“Natatandaan naman natin dati that, especially under his daughter, Senator [Nancy] Binay, todo ang banat nila sa CCT. Ngunit ngayon, nag-iba na naman ang tono at biglang sinusuportahan nila ang CCT,” giit ni Quezon.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sa pangangampanya sa iba’t ibang lugar sa bansa, iniulat na ilang beses sinabi ni VP Binay na sakaling siya ay mahalalal bilang susunod na pangulo, ipagpapatuloy niya ang 4Ps ngunit mayroong reporma siyang ipatutupad sa programa.

Ayon naman kay Quezon, ang pangako ni Binay na ipagpapatuloy ang 4Ps ay indikasyon na may mabuting naidulot ang programa ng gobyernong Aquino para sa mga maralita.

Pinabulaanan din ni Quezon ang patutsada ni Binay na gagamitin ng administrasyon ang pondo ng 4Ps sa pagbili ng boto sa eleksiyon sa Mayo 9. (ELLSON QUISMORIO)