TINIYAK ng Malacañang at ng Commission on Elections (Comelec) na hindi nila papayagang magkaroon ng dayaan sa halalan sa Mayo 9, sa pagpili ng bagong pangulo ng bansa. Kumporme rito sina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap, at Mariang Tindera dahil ayon sa kanila, ayaw nila ng isang pekeng pangulo na maluluklok dahil sa kung anu-anong uri ng pandaraya, manipulasyon at hokus-pokus (kasama ba rito ang PCOS machines?).
“Bakit?” tanong ng senior-jogger na laging nasa kapihan, “meron bang pekeng pangulo ang nahalal sa panguluhan?”
Tugon ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Hindi ba’t merong ‘Hello Garci’ noong 2004? Saka merong PCOS machines noong 2010?” Nosibalasi? Noong 2004, si Gloria Macapagal-Arroyo ang nanalo. Noon namang 2010, si PNoy ang nahalal.
Well, kung natatandaan ko, maging si ex-Pres. Ferdinand E. Marcos (FM) ay inakusahan ding nandaya sa labanan nila noon ni ex-Rep. Sergio Osmena Jr. ng Cebu. Si FM ay reelectionist noon. Maging sa snap election laban kay ex-Pres.
Cory Aquino, nandaya rin umano si Apo Macoy, at ito ay kinumpirma ni dating Defense Minister Juan Ponce Enrile.
Maging si Fidel V. Ramos (FVR) ay inakusahan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ng pandaraya noong 1992 election. Ano, puro mandaraya?
Aba, kung ganito ang sitwasyon at totoo ito, peke pala ang nakaupo sa puwesto ngayon? Kung susuriing mabuti ang mga halalan sa naghihirap at nagdurusang Pilipinas, hindi lang sa posisyon ng pagka-pangulo nangyayari ang umano’y dayaan kundi hanggang sa antas ng mga barangay o mula sa barangay captain hanggang sa pagka-mayor, governor, congressman, at senador.
Hindi ba ninyo napansin nitong ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, nakigaya o sumabay si President Aquino kay FVR sa nakaugaliang paglundag (traditional victory jump) matapos malaman ni Mr. Tabako at ni JPE na nilisan na ng diktador at pamilya ang Malacañang Palace noong Pebrero 1986.
Kasama nina FVR at PNoy sa victory jump si Bobby Aquino, anak ng yumaong Sen. Butch Aquino, kapatid ni ex-Sen. Ninoy Aquino. Ang re-enactment ng “salubungan” ay ginawa sa intersection ng White Plains at kahabaan ng EDSA.
(BERT DE GUZMAN)