ANG panawagan ni Pope Francis para sa isang pandaigdigang pagbabawal sa paghahatol ng kamatayan at pagpapatupad ng moratorium sa anumang pagbitay ngayong Holy Year of Mercy ay inihayag sa panahong pinagdedebatehan sa Pilipinas kung panahon na nga bang ibalik ang death penalty na matagal nang hindi umiiral sa bansa.
Ang paghahatol ng kamatayan ay bahagi ng kasaysayan ng ating bansa. Isang grupo ng mga paring Pilipino—sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora—ang binitay sa pamamagitan ng garrote noong 1872. Labis na nakaapekto ang kanilang pagkamatay sa ating pambansang bayani na si Jose Rizal, na hinatulan din ng kamatayan at sumalang sa firing squad noong 1896, na nagbunsod sa Rebolusyon nina Bonifacio at Aguinaldo. Matapos na maging malaya ang Pilipinas noong 1946, ang unang binitay ay si Julio Guillen dahil sa pagtatangkang paslangin si Pangulong Manuel Roxas.
Matapos na ideklara ang batas militar noong 1972, binitay ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos si Lim Seng dahil sa pagbibiyahe ng ilegal na droga.
Ang People Power Revolution noong 1986 ay nagresulta sa paglikha ng bagong Konstitusyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Corazon Aquino noong 1987. Ipinagbawal nito ang parusang kamatayan, ngunit pinahintulutan ang Kongreso na ibalik ito para sa “heinous crimes.” Hindi ito ibinalik ng Kongreso sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Fidel Ramos, ngunit noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, inaprubahan ng Kongreso ang Republic Act No. 9346 noong 2006, na nagpalit sa parusang kamatayan sa habambuhay na pagkakakulong o reclusion perpetua. Ang hatol sa 1,230 nakatakdang bitayin ay ibinaba sa habambuhay sa piitan.
Simula noon ay wala nang nabitay sa bansa. Ngunit sinabi ng isa sa mga kandidato sa pagkapangulo, si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, na kung mahahalal siyang presidente, isusulong niyang maibalik ang pagpaparusa ng kamatayan sa matitinding krimen, gaya ng ilegal na droga, panggagahasa, at pagdukot. Si Duterte, sa lahat ng kandidato sa pagkapresidente, ang pinakakilala sa kanyang maigting na paninindigan sa pagpapatupad ng batas laban sa itinuturing ng marami na lumalalang problema ng bansa sa ilegal na droga at iba pang krimen.
Umapela si Pope Francis para sa pandaigdigang pagbabawal sa isang international conference laban sa parusang kamatayan na nagbukas sa Rome, sa pangunguna ng isang grupong Katoliko na nagsusulong ng katarungan at kapayapaan, ang Community of Sant’Egidio. Ang apela ay direktang ipinararating sa 37 bansa na patuloy na naghahatol ng kamatayan sa mga nagkasala. Hindi na ito ipinatutupad sa 102 bansa, pinahihintulutan sa ilalim ng mga espesyal na sitwasyon, gaya kapag may digmaan, sa pitong bansa, at nasa 10 taon nang hindi ipinatutupad sa 50 iba pang bansa.
Bagamat ilang prominenteng anti-crime advocate gaya ni Mayor Duterte ang naninindigan sa usapin, ang pagbabalik sa parusang kamatayan ay hindi inaasahang aani ng suporta sa Katolikong bansang ito—partikular na ngayon na mismong si Pope Francis ang umapela para sa Holy Year of Mercy.