TINANGKA ng Chinese prime minister na pahupain ang mga pangamba tungkol sa nananamlay na ekonomiya ng bansa kasabay ng panawagan ng mga opisyal na nagtipun-tipon sa isang global finance meeting sa mga gobyerno na gawing prioridad ang pagpapatupad ng mga reporma sa paglikha ng mga trabaho upang matiyak na hindi masasadlak sa kawalan ang pandaigdigang ekonomiya.

Sa isang video message nitong Biyernes sa pulong ng mga finance minister at mga bangko sentral mula sa pangunahing ekonomiya ng Group of 20, sinabi ni Premier Li Keqiang na may pondo at mga hakbangin ang Beijing upang mapigilan ang panananamlay ng ekonomiya.

Nitong Biyernes din, nanawagan ang pinuno ng International Monetary Fund, si Christine Lagarde, ng mas mabilis na pagkilos kaugnay ng mga repormang ipinangako sa isang pulong ng G-20 noong 2014. Tumanggi ang finance minister ng Germany na makibahagi sa isang bagong joint stimulus effort. Sinikap naman ng bangko sentral ng China na pahupain ang pangamba sa posibilidad na ibaba ng Beijing ang halaga ng yuan nito para mapasigla ang mga export.

Sa harap ng tumitinding pangamba para sa pandaigdigang ekonomiya, nakaantabay ang mga kumpanya at mga mamumuhunan sa pulong para magkaroon ng katiyakan at malaman ang mga hakbanging napagkasunduang ipatutupad. Ngunit pinili ng mga leader na pawiin ang mga pag-asam na magkakaroon ito ng mga partikular na plano. Una nang nagbabala si U.S. Treasury Secretary Jacob Lew laban sa pag-asam ng “crisis response in a non-crisis environment”.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hangad ng punong-abalang China na ang dalawang-araw na pulong sa Shanghai ay sumentro sa pagsusulong ng bansa ng kampanya para sa mas malaking impluwensiya sa pangangasiwa ng pandaigdigang kalakalan. Sa halip, aligaga ang gobyernong komunista sa pagtatanggol sa reputasyon nito ng kahusayan dahil na rin sa problema sa stock market at currency.

“The Chinese economy has great potential, resilience and flexibility, and we will capitalize on such strengths,” sabi ni Li.

Noong nakaraang taon, nanamlay ang pag-unlad ng ekonomiya ng China sa pinakamababa sa nakalipas na 25 taon sa 7.3 percent. Tinatayang bubulusok pa ito ngayong taon.

Ang pandaigdigang pag-unlad ng ekonomiya ay naitala sa pinakamababa sa nakalipas na dalawang taon at sinabi ng mga forecaster na patuloy na tumataas ang panganib na magkaroon ng recession. Noong nakaraang buwan, ibinaba ng IMF ang global growth forecast nito ngayong taon ng 0.2 percentage points at naging 3.4 na porsiyento. Sinabing posible pa itong ibaba sa Abril. (Associated Press)