Aprubado ng Commission on Elections (Comelec) ang hiling ng ilang kandidato na amyendahan ang mga susunod na presidential debate bunsod ng mga batikos sa unang pagtatanghal nito, na idinaos sa Cagayan de Oro City noong Pebrero 21.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, ginagawa nila ang lahat para mapagbuti ang mga aktibidad na magbibigay ng pagkakataon sa mga botante na higit na makilala ang kanilang napupusuang kandidato sa pagkapangulo.
Nauna rito, sinabi ni Vice President Jejomar Binay na susulat siya sa Comelec para baguhin ang sistema ng debate.
Aniya, nais niyang mabago ang ilang bahagi ng debate tulad ng paghawak sa event ng ilang pribadong kumpanya na nagresulta sa tambak na commercial break sa live broadcast nito sa telebisyon.
Aniya, kung ang Comelec na lang ang mag-oorganisa at gagamitan ito ng sariling pondo ng ahensiya ay hindi na magiging isyu ang putul-putol na debate upang bigyang-daan lamang ang mga sponsor.
Napansin naman nina PDP-Laban presidential bet, Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Liberal Party bet Mar Roxas ang kakulangan ng oras na ibinibigay sa mga kandidato dahil nagkukulang sila ng panahon para ipaliwanag ang kanilang mga kasagutan sa mga katanungang ibinato sa kanila.
Ang susunod na presidential debate ay idaraos sa Visayas sa Marso, habang ang ikatlong presidential debate ay gaganapin naman sa Luzon. (Mary Ann Santiago)