TORONTO (AP) — Naitarak ni Kyle Lowry ang career-high 43 puntos sa pahirapang panalo ng Toronto Raptors kontra sa Eastern Conference-leader Cleveland Cavaliers, 99-97, Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Nag-ambag si Terrence Ross ng 15 puntos para sa Toronto, nagwagi sa ika-10 sunod na laro sa home game at pantayan ang franchise record na naitala noong Marso 24 at Nob. 4, 2002.

Nanguna si LeBron James sa Cavs sa naiskor na 25 puntos at tumipa si Kevin Love ng 20 puntos.

Naitabla ni Lowry ang iskor sa 97 mula sa hook shot may 51.9 segundo sa laro. Naibigo ang Cavs na makapuntos matapos sumablay ang tira ni J.R. Smith may 28.9 segundo sa laro.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Sa kabila ng depensa ng Cavs, nagawang makapihit ni Lowry para sa isang short jumper at ibigay ang bentahe sa Raptors may 3.8 segundo sa regulation period.

Mula sa timeout, nakakuha ng pagkakataon ang Cavs na maagaw ang panalo, ngunit sumablay si James sa kanyang buzzer-beating 3-pointer.

WIZARDS 103, SIXERS 94

Sa Philadelphia, ginapi ng Washington Wizards, sa pangunguna ni John Wall na kumubra ng 23 puntos at 11 assists, ang 76ers.

Kumana rin sina Jared Dudley ng 14 puntos at Ramon Sessions na may 12 puntos para sa Wizards, tinuldukan ang three-game road losing streak at patatagin ang kampanya para sa No.8 spot ng Eastern Conference playoff.

Nanguna si Jahlil Okafor sa Sixers sa naiskor na 21 puntos, habang tumipa si Robert Covington ng 12 puntos at 12 rebound.

HORNETS 96, PACERS 95

Sa Indianapolis, kumana si Kemba Walker ng 22 puntos, tampok ang krusyal na jumper sa huling 2.4 segundo para gabayn ang Charlotte Hornets kontra Pacers.

Umabante ang Pacers sa 95-94 mula sa layup ni Monta Ellis may 16.2 segundo sa laro. Nakalusot naman si Walker sa double-team defense ng Pacers para sa scoop shot sa harap ng depensa ni Paul George.

Sumablay ang tira ni George sa buzzer. Tumapos ang All-Star forward na may 32 puntos.

Kumana rin si Marvin Williams ng 26 puntos at 13 rebound sa Hornets, nagwagi sa ikalawang pagkakataon sa Indiana ngayong season.