Bahagyang naibsan ang init ng ulo ng mga motoristang naipit sa matinding trapiko sa EDSA matapos silang sorpresahin ng Manila Bulletin nitong Biyernes.

Laking-gulat ng mga motorista nang makatanggap sila ng mga complimentary copy ng Manila Bulletin, bottled water at flyer na may tips sa ligtas na pagbibiyahe.

Base sa kampanyang “Be Fully Informed On The Road”, namahagi ang mga tauhan ng nangungunang pahayagan sa bansa ng mga kopya ng Manila Bulletin sa mga motorista na naiipit sa matinding trapiko sa southbound lane ng EDSA.

Suot ang reflectorized vest at cap, kumatok sa bintana ng mga sasakyan ang MB staff upang ipamahagi ang mga kopya ng pahayagan, bottled water at flyer.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aminado si Jake Avila, isang motorista, na nabulaga siya sa magandang sorpresa habang nagngingitngit siya sa usad ng mga sasakyan.

“Nakatipid ako ng P18 (para sa MB newspaper) at may kasama pang bottled water. Hindi ito karaniwang maeengkuwentro mo sa trapik,” ayon kay Avila, na noo’y patungo sa kanyang opisina.

Laking tuwa rin ng driver ng isang delivery truck nang makatanggap ng libreng dyaryo at inumin.

“Sobrang saya ko. Salamat sa pagbibigay ng babasahin habang ako’y nabuburyong dito sa traffic,” sabi ng truck driver.

Ayon kay Bien Avelino, ng Manila Bulletin-Marketing Department, magpapatuloy ang kampanya hanggang sa pagtatapos ng 2016. Aabot na sa 600 kopya ng Manila Bulletin ang naipamahagi sa mga motorista mula 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon nitong Biyernes.

Sinabi ni Avelino na itinakda ang susunod na aktibidad sa Marso 16, sa EDSA-GMA Kamuning area southbound; Abril 15 sa EDSA corner Shaw Boulevard northbound; at Mayo 15 sa EDSA-Boni Serrano Avenue area.

Naisakatuparan ang kampanya sa pakikipagtulungan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

(Anna Liza Villas-Alavaren)