Umapela ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko nitong Biyernes na maging aktibo at isumbong ang mga kaso ng child pornography sa mga ahensiyang katuwang nito.
Sa press briefing na ginanap sa DSWD Central Office sa Batasan Hills, Quezon City, binigyang diin ni DSWD Secretary Corazon J. Soliman ang pangangailangan sa aktibong pag-uulat ng mga cybercrime na nagaganap sa mga komunidad at nambibiktima ng mga inosenteng bata.
Sinabi ni Secretary Soliman na nakalulungkot na sa ilang rescue operations, maging ang mga ina ng mga bata ay hindi nauunawaan ang negatibong implikasyon ng pagkakasangkot sa cybercrime activities ng kanilang mga anak.
“Para sa akin, iyan (cybercrime) ay isang matinding pagyurak sa karapatan ng bata…Dahil bata pa lang siya ay sinisira mo na ang paggalang at pag-unawa niya sa kanyang katawan,” pahayag ni Soliman.
Hinimok rin niya ang Barangay Councils for the Protection of Children (BCPC) na i-monitor ang mga insidente ng child cyber pornography.
Para isumbong ang cybercrime, maaaring mag-text ang publiko sa: DSWD blockchildpornURL Address at ipadala sa 2327; o sa 0918-9122813.
Maaari ring tumawag sa: Action Hotline Against Human Trafficking 1343; PNP Patrol 117; NBI (02)5238231 to 38 local 354 to 355; DOJ-OOC (02)526-2747.
At mag-email sa http://www.iacacp.gov.ph; http://www.angelnet.ph; http://www.pnpacg.ph; http://www.doj.gov.ph; [email protected]; [email protected] and [email protected]
Sinabi ni Secretary Soliman na itinataas din nila ang kamalayan ng mga kabataan sa kampanya sa paghikayat sa millennial generation na makibahagi sa proyektong #StopChildPornPH, na ilulunsad ngayong taon. (PNA)