MANILA (Reuters) — Maaaring hindi muling makapagdaos ng concert sa Pilipinas si Madonna matapos umano nitong bastusin ang bandila sa kanyang concert nitong nakaraang Miyerkules at Huwebes, ayon sa isang domestic broadcaster.
Ang 57 taong gulang na entertainer ay kasalukuyang nasa world tour upang i-promote ang kanyang Rebel Heart album, at nagkaubusan ng tickets para sa show niya nitong Miyerkules at Huwebes sa Mall of Asia Arena.
“She ridiculed our flag,” sabi ni Teodoro Atienza, chief ng heraldry section ng National Historical Commission of the Philippines, sa panayam ng dzBB, idinagdag na nilabag ni Madonna ang batas na nagbabawal isuot ang bandila ng Pilipinas “in whole, or in part, as a costume or uniform”.
Kinakailangang managot ng singer at concert producer sa nasabing paglabag kahit na umano hindi nila alam na ipinagbabawal ito, ayon kay Atienza.
“They may face deportation and might not be able to return to the country. She also allowed the flag to touch the stage floor, which is another violation.”
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na komento ang mga organizer ng nasabing concert, na idinaos sa mismong lugar ng pakikisalamuha ni Pope Francis sa mga pamilyang Pilipino nang bumisita ito noong nakaraang taon.
Sa Singapore ang susunod na concert ni Madonna.
Matatandaang nanawagan ang isang Roman Catholic bishop na iboykot ang show ni Madonna dahil sa kanyang “suggestive” performance at “vulgar” na pananamit.