ISULAN, Sultan Kudarat – Inihayag ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. na umaabot na sa mahigit 4,000 pamilya ang lumikas dahil sa patuloy na bakbakan ng militar sa isang grupo ng mga terorista sa bayan ng Butig, at sinabi niyang umabot na ang labanan sa Barangay Bayabo.
Sa opisyal na bilang, 4,300 pamilya ang ngayon ay kinakanlong sa mga evacuation center sa Marawi City at sa iba pang mga bayan sa Lanao del Sur.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Chief Mahariani Alonto na kinakapos na ang tanggapan sa ipinagkakaloob na tulong sa evacuees.
Tiniyak din ni Alonto na walang nasawi o nasaktan sa mga sibilyan sa lalawigan kaugnay ng patuloy na pakikipagbakbakan ng militar sa grupong sumusuporta umano sa international terrorist group na Islamic State (IS).
Matatandaang 42 tauhan ng nasabing grupo ang napatay matapos na makubkob ng militar ang kampo ng mga terorista, bagamat tatlong operatiba ng Philippine Army ang nasawi at 11 iba pa ang nasugatan.
Sinabi ni Major Felimon Tan, Jr., ng Western Mindanao Command, na pawang tauhan ng 103rd Army Brigade ang mga nasawi at nasugatang sundalo.
Sinabi pa sa ulat na nasamsam ng militar mula sa kampo ang ilang matataas na kalibre ng armas.
Nauna rito, sa pagsalakay ng teroristang grupo sa detachment ng 51st Infantry Battalion nitong Pebrero 21 ay nasawi ang sinasabing leader ng grupo na si Omar Maute. (LEO P. DIAZ)