MGA Kapanalig, kamakailan ay ginunita natin ang ika-30 anibersaryo ng “People Power Revolution”. Para sa mga may malay na noong 1986, ang People Power Revolution ay isang bahagi ng ating kasaysayan. Ngunit, para sa ilang kabataan, o sa mga isinilang matapos ang 1986, hindi gaanong malinaw ang kahulugan ng pangyayaring ito at kung ano nga ba ang kinalaman nito sa buhay natin ngayon.

Mahirap nga sigurong ipaliwanag at ipaunawa ang isang kaganapan, katulad ng People Power Revolution, sa mga hindi mismo nakaranas kung paano mabuhay sa ilalim ng batas militar o martial law noong dekada ‘70 hanggang sa bumagsak ang rehimeng Marcos noong 1986. Sa katunayan, may ilang mga nagsasabi na naging mabuti ang martial law para sa ating bayan.

Kung mabuti ang martial law at ang naging karanasan ng mga tao sa ilalim ng rehimeng Marcos, paano maipapaliwanag ang People Power Revolution?

Tila sa pagdaan ng panahon ay lumalabo sa ating mga Pilipino kung ano ang kikilalanin natin bilang totoo tungkol sa ating nakaraan. Paano tayong matututo mula sa mga aral ng kasaysayan kung nababaon sa limot ang mga katotohanang nagpakilos sa atin para ipaglaban ang mabuti, ang totoo, at ang makatarungan?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pinapangaral ng ating simbahan na ang mga pangunahing pagpapahalaga sa pagtatayo ng isang lipunang naaayon sa kalooban ng Diyos ay ang sumusunod: katotohanan, kalayaan, katarungan, at pag-ibig. Ang bawat isa ay may tungkuling pumanig sa katotohanan, hanapin, igalang, at bigyang-patotoo ito. Sa Gaudium et Spes, ipinapaalala sa atin na sa makabagong panahon kung saan moderno ang mga paraan ng komunikasyon, dapat maging mapanuri ang tao sa pagkilatis sa ano ang totoo. Ang katotohanan, kasama ng kalayaan, katarungan at pag-ibig, ang dapat maging pundasyon ng anumang lipunan na naglalayong isulong ang dignidad ng tao at gawin ang mabuti para sa pangkalahatan.

Ano ang implikasyon ng mga turong ito sa atin ngayon? Una, tungkulin nating alamin at kilatisin ang katotohanan. Sa mga nagsasabing may nagawang mabuti ang martial law, hindi kaya may mga katotohanang sadyang ikinukubli? Hindi ba’t bumagsak ang ekonomiya ng bansa simula 1983 dahil sa mga tiwaling polisiyang pinansiyal ng pamahalaan?

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)