ANG madaya sa eleksiyon ay lagi nang pangamba ng mga kandidato at ng kani-kanilang kampo. Noon, karaniwan nang mga reklamo ang pamimili ng boto, banta sa buhay ng mga nangangampanya, pagnanakaw sa mga ballot box at pagpapalit sa laman nito, at direktang manipulasyon ng resulta ng botohan sa paraang kilala sa taguring “dagdag-bawas”.
Ngayon ang ating halalan ay automated na, hindi na kasing karaniwan na gaya ng dati ang mga banta sa mga nagsisilbi sa eleksiyon. Nabawasan na ang pangamba ng mga gurong nangangasiwa sa mga voting center para sa sarili nilang kaligtasan, hindi gaya dati. Hindi na rin nababahala ang mga poll watcher tungkol sa pagbibilang ng mga boto, dahil hindi na ito ginagawa ng manu-mano sa loob ng mga silid-aralan. Ang mga ballot box na kinasisidlan ng mga nabilang nang balota ay hindi na kasing higpit ng dati ang pagbabantay.
Hindi na rin nagpupuyat ang mga tao hanggang lampas hatinggabi upang subaybayan ang mga bilang na madadagdag sa nasa pisara. Hindi na rin kailangang bantayan ang mga guro na nagbibitbit ng mga ballot box patungo sa mga munisipyo, laban sa mga magtatangkang hablutin ang mga ito.
Bagamat hindi kailanman naging lantad o matindi ang pangamba sa dayaan sa eleksiyon, nananatili pa rin ito hanggang ngayon. Hindi na ito konektado sa pisikal na pagbibilang at pagbibiyahe sa mga balota. Nakatutok na ito sa modernong teknolohiyang ginagamit sa proseso, na marami naman sa atin, sa totoo lang, ang hindi nakauunawa, gaya ng source codes at digital signatures, at ang interpretasyon ng mga bahagi ng balota.
Ayon sa survey na isinagawa ng Pulse Asia noong Enero, 48 porsiyento ng mga Pilipino ang umaasang magiging malinis at kapani-paniwala ang eleksiyon ngayong taon, ngunit 15 porsiyento ang duda rito, habang 36 na porsiyento naman ang hindi makapagdesisyon. Nakatutuwang malaman na marami sa bansa ang tiwalang magiging malinis sa dayaan ang halalan, ngunit ang mga nagdududa at ang mga hindi pa nakapagdedesisyon ay napakalaki ng bilang. Sa katunayan, mas marami sila sa mga kumpiyansa sa magiging botohan.
Sa mga susunod na buwan, nakatutok ang lahat sa Commission on Elections habang tinitiyak nitong magiging maayos ang eleksiyon sa Mayo. Nakatuon naman ang paningin ng mga kritiko sa mga mangangampanya para sa mga pambato ng administrasyon habang paulit-ulit na kinukuwestiyon ng kampo ng oposisyon ang pondo nito. Umasa tayo na ang lahat ng kinauukulan ay kikilos nang may respeto at pagsasaalang-alang sa mga batas sa halalan upang makaiwas sa anumang pangamba at hinala na maaaring makaapekto sa katapatan ng idaraos na eleksiyon.