Iginiit kahapon ng Malacañang na paninindigan ni Pangulong Aquino ang sinabi nito na sina Senators Juan Ponce Enrile at Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga responsable sa hindi pagkakapasa ng kontrobersiyal na Bangsamoro Basic Law (BBL).
Binatikos ni Enrile ang Presidente sa sinabi ng huli nang magtalumpati sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power noong Huwebes na siya at si Marcos ang dapat sisihin sa kabiguan ng BBL.
Ayon kay Enrile, ignorante sa batas si Pangulong Aquino.
Iginiit naman kahapon ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. na ibinatay ng Pangulo sa datos ang pahayag nito.
“Hayag at bukas ang record ng Senado na pinagbatayan ng Pangulo sa kanyang ipinahayag sa kanyang talumpati sa EDSA,” sabi ni Coloma. “Hindi puwedeng ikubli o ikaila ang ginawa nina Senador Enrile at Marcos laban sa pagpasa ng panukalang BBL.”
Sa kanyang talumpati, tinuligsa ng Pangulo sina Enrile at Marcos sa pagkontra sa panukalang, aniya, ay magdudulot ng hustisya at kapayapaan sa Mindanao.
“Ngayon nga, ‘pag iniisip ko ang mga narating natin sa peace process, kung saan mayroon na tayong Framework Agreement at Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, at kulang na lang ang Bangsamoro Basic Law, talagang nanghihinayang ako. Dahil ang tanging batas na maghahatid ng katarungan at kapayapaan, sadya pa po talagang hinarang,” sabi ni Pangulong Aquino.
“At ‘di po ba, ang BBL, naipit sa Senado sa kumite para sa lokal na gobyerno, na pinamumunuan ni Senador Marcos?,”
anang Pangulo.“’Di ba nung pinakahuling araw ng sesyon, tuloy pa rin ang pag-interpellate ni Senador Enrile? At ‘di po ba, itong dalawang apelyido ring ito ang nagtulak ng military solution para sa mga Moro noong panahon ng diktadurya?” (MADEL SABATER-NAMIT)