Nasa planning stage na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa bidding, construction at installation ng Automatic Dependent Surveillance-Broadcast (ADS-B), kasunod ng matagumpay na pagbisita ng ahensiya sa Pag-asa Island noong Enero 7 upang tingnan ang lugar.
“The CAAP is in the process of approval, bidding construction and installation,” sabi ni Deputy Director for Operations Rodante S. Joya, na kasalukuyang chief financial officer ng CAAP.
Sinabi niya na ang kagamitan ay nagkakahalaga ng halos P50 milyon at maitatayo sa loob ng tatlong buwan kapag nagsimula na ang installation.
Lumipad si Joya, kasama ang mga tauhan ng CAAP, sa Pag-asa sakay ng private plane para tingnan ang lugar na uupahan ng ahensiya mula sa munisipalidad ng Kalayaan sa Palawan, para sa panukalang installation ng high-tech Navigational Aid (Nav Aid).
Itatayo ang ADS-B sa 200-square meter na lote sa tabi ng Major Gen. Jose Rancudo runway sa isla.
Sinabi ni Joya na matindi ang pangangailangan para sa ADB-S sa ating isla sa West Philippine Sea (WPS) dahil may 200 international flight ang pumapasok at lumalabas bawat araw sa Manila Flight Information Region (FIR), ang imaginary line na sumasakop sa buong kapuluan ng Pilipinas at nasa mahigit three million square miles ang lawak.
(Ariel Fernandez)