Nagsampa ng P18 million smuggling case ang Bureau of Customs (BoC) laban sa mga importer ng mga ginamit na gulong at alahas, na nasamsam sa Manila International Container Port (MICP) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Si Jubannie Berces, general manager, kasama ang mga John/Jane Doe ng Respawnable Enterprises, na may opisina sa Binondo, Maynila ay kinasuhan sa pag-angkat ng dalawang 40 footer container van na naglalaman ng mga ginamit na gulong na tinatayang aabot sa P3 milyon.

Kasong paglabag sa Section 3601 (Unlawful Importation) na may kaugnayan sa Section 2503 (Undervaluation, Misclassification at Misdeclaration in Entry) at 2530 (Property Subject to Forfeiture under Tariff and Customs Laws) (L-2) ng Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP), ang isinampa ng BoC.

Nakasaad sa Letter of Instruction No. 1086 series of 1980 na “effective January 1, 1982, the importation of used tires shall no longer be allowed.” Maliwanag na ipinagbabawal sa LOI No. 1086, may kaugnayan sa Section 101 ng TCCP, ang importasyon ng mga ginamit na gulong.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinampahan din ng parehong kaso si Rosemarie Clemente, ng Lot 4, Block 6, Unit C. Opal Street, U.P. Professors Subdivision, Tandang Sora, Quezon City, sa pagdadala ng 259 na piraso ng mga alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P15 milyon.

Ito ay kinabibilangan ng 116 na pares ng hikaw, 55 piraso ng singsing, 18 bracelet, 40 kuwintas, at 30 pendant.

Dumating si Clemente sa Pilipinas mula Hong Kong sakay ng Tiger Airways Flight No. DG–7833, na lumapag sa NAIA Terminal 3 noong Setyembre 15, 2015.

“Travelers who bring in commercial goods and importers doing unlawful act importation will not be tolerated by the Bureau of Customs as they harm legitimate traders which can bring further negative effect on our economy if neglected,” pahayag ni Customs Commissioner Alberto Lina. (Mina Navarro)