Matapos mapag-iwanan sa unang araw ng kompetisyon, nagparamdam na rin kahapon ang reigning 5- time seniors champion Jose Rizal University matapos umani ng dalawang gold at tig- isang silver at bronze medal sa pagpapatuloy ng NCAA Season 91 track and field championships sa Philsports track oval sa Pasig City.

Unang nagwagi ng gold medal para sa tropa ni coach Jojo Posadas si Alvin Castañares nang manguna ito sa men’s 800 meters sa tiyempong 1:54.76.

Pumangalawa sa kanya si Christian Traje ng Mapua na naorasan ng 1:54.99, habang pumangatlo si Raymund Alferos ng Mapua na nagtala ng tiyempong 1:57.10.

Ang ikalawang gold medal ng Heavy Bombers ay ibinigay ni Dave Albarico sa men’s javelin throw makaraang ihagis nito ang sibat na yari sa fiberglass sa layong 55.57 metro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kinumpleto naman ng kanyang kakamping si Jerrick Galicia ang 1-2 finish ng JRU sa event matapos nitong pumangalawa sa kanyang hagis na may layong 52.85 metro.

Nakamit ni Avery Cuyugan ng Mapua ang bronze sa kanyang itinalang 52.11 metro.

Nauna nang tinanghal na “Meet Fastest Man” ang sprinter mula San Sebastian College na si Jomar Udtohan matapos nitong sirain ang dating record sa century dash na 10.73 makaraang maorasan ng 10.59 segundo.

Pumangalawa lamang kay Udtohan, isa ring record breaker sa Palarong Pambansa, ang dating may hawak ng record na si Anfernee Lopena ng College of St. Benilde na tumapos lamang sa tiyempong 10.67 segundo.

Pumangatlo naman sa kanila ang sprinter mula Arellano University na si Rodquem Maullon na naorasan ng 10.77 segundo.

Nakamit naman ni Sean Michael Kaufman ng La Salle Greenhill ang gintong medalya sa juniors 100 meter sa tiyempong 11.34 segundo.

Pumangalawa sa kanya si Veruel Verdadero ng Emilio Aguinaldo College-ICA na naorasan ng 11.37 segundo at pangatlo si Reniel Cabral ng Lyceum na nagtala ng tiyempong 11.42 segundo.

Sa iba pang resulta, nagwagi ng gold sa seniors pole vault si Christopher Gonzales ng Arellano sa talon na 4.05 metro.

Parehas lamang sila ng sumegundang si Rovelo Crodova ngunit mas naunang nakatalon si Gonzales kaya siya ang nag-uwi ng gold.

Pumangatlo sa kanila si Francis Manile ng Mapua na nakatalon sa taas na 4.00 metro.

Nagwagi rin sa 2000 meter juniors steeplechase ang long distance runner ng Jose Rizal University na si Riven Nedrada na naorasan ng 6:35.63.

Sumunod sa kanya si Jonathan Pulido ng EAC na naorasan ng 6:38.37 at pangatlo si Julius Cueto ng San Beda na naorasan ng 6:40.11. (MARIVIC AWITAN)