LANGKAWI, Malaysia – Umarangkada si Pinoy rider Marcelo Felipe para makisosyo sa unang grupong nakatawid sa Stage Two ng Le Tour de Langkawi kahapon dito.

Kasama ang 26-anyos mula sa 7-Eleven Sava RBP sa 14-man first group na pinangunahan ni Stage Two winner Italian Andrea Palini ng Skydive Dubai Racing – Al Ahli Club sa magkakatulad na tiyempong tatlong oras, 56 minuto at dalawang segundo sa 158.1 km ride mula sa Sungai Petani at nagtapos sa Pulau Pinang.

Bunsod nito, nakopo ng Nueva Ecija rider ang kabuuang tiyempo na walong oras, 11 minuto at 59 segundo para sa ika-12 puwesto sa overall classification.

May 16 na segundo lamang ang layo ni Felipe sa nangungunang si Andrea Guardini ng Astana Pro Team (8:11:43).

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Tumapos si Felipe sa ika-22 puwesto sa Stage One mula Kangar hanggang Baling para patatagin ang kampanya sa prestihiyosong karera sa Asya at classified 2.HC race ng Union Cycliste Internationale (UCI).

Bago sumabak dito, nakibahagi si Felipe sa ginanap na Le Tour de Filipinas na ginamit niyang pagsasanay para mas mapabuti ang kanyang diskarte sa karera na nilalahukan ng mga pinakamahuhusay na rider sa rehiyon, gayundin sa international cycling community.