Imbes na sa makasaysayang Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City, inilipat ang unang depensa ni WBO super bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire sa Cebu City Sports Complex.
Ayon kay Top Rank big boss Bob Arum, inilipat nila sa Cebu ang laban na nakatakda sa Abril 23, para mas kagiliwan ng mga kababayan ng kampeon.
Ayon kay ni ALA Promotions president Michael Aldeguer tiyak na dudumugin ng boxing fans angCebu City para sa laban ni Donaire kay Hungarian Olympian Zsolt Bedak dahil ngayon lamang lalaban sa lungsod ang Pinoy boxer bagamat minsan na siyang nagdepensa ng dating hawak na IBF at IBO flyweight titles noong 2009 kay Raul Martinez ng United States na napatigil niya sa 5th round.
Sa Cebu City Sports Complex din ginanap ang makasaysayang paghamon ni Z “The Dream” Gorres na natalo sa kontrobersiyal na 12-round split decision laban kay Mexican WBO super flyweight champion Fernando Montiel sa harap ng 25,000 boxing fans noong Pebrero 24, 2007.
Muling nabawi ni Donaire ang WBO super bantamweight title noong Disyembre 11, 2015 matapos talunin sa puntos ang matibay na si Mexican Cesar Juarez na dalawang beses niyang pinabagsak sa 4th round pero nakarekober at nakipagsabayan sa Pinoy boxer.
Handang-handa naman si Donaire na harapin si Bedak na tanyag sa estilong sugod nang sugod.
“Bedak is an overall fighter. He’s got speed and pretty decent power if he wants to but he’s more of a technical fighter than anything. They want to beat you by points but we won’t allow this. We know what we have to do,” sabi ni Donaire sa Philboxing.com.
“He’s a tough guy, a capable guy but we have faith that with my Dad (who is also Nonito’s trainer) we’ll come up with the best game-plan,” aniya.
Idinagdag ni Donaire na gagamitin niya ang kanyang talino sa laban kay Bedak sa halip na mag-concentrate sa pamatay niyang “left hook” para hindi siya kapusin sa laban.
“Power is sometimes not enough to beat a guy who moves around,” giit ni Donaire. “It’s a matter of having the best, most intelligent game-plan and when we follow the game-plan we can beat anybody,” aniya.