Wala pa ring natatanggap ang libu-libong magsasaka mula sa coco levy fund na sinasabing nilustay noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon re-electionist na si Senator Ralph Recto, isa ito sa mga hindi natapos ng EDSA People’s Power noong 1986.
“Thirty years have passed and the farmers are still waiting for the money, the fund is still frozen, and the implementation of the executive orders mandating its use has been stopped by the courts,” ani Recto.
Aniya, patay na ang mga nagbabayad ng levy, patay na rin ang mga niyog na pagkukunan ng copra, at maihahalintulad ito sa isang nagyeyelong buko na puwedeng makita pero hindi kayang kainin.
Sinabi pa ni Recto na dapat magkaroon ng dagdag na pondo, lalo na sa rehabilitasyon ng 34 milyong puno ng niyog na sinira ng bagyong ‘Yolanda’ noong 2013.
Nagtataka rin si Recto kung bakit bumaba pa ang budget ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa P4.1 bilyon noong 2015, na naging P1.27 bilyon ngayong 2016.
Umabot sa P9.7 bilyon ang nakolekta simula 1971 hanggang 1986 mula sa mga magniniyog, na pinagsamantalahan umano ng pamilya ng dating diktador. (Leonel Abasola)