WASHINGTON (AP) — Inakusahan ng China nitong Huwebes ang Pilipinas ng “political provocation” sa pagsusulong ng international arbitration sa mga inaangkin nitong teritoryo sa South China Sea.
Sinabi ni Chinese Foreign Minister Wang Yi, nasa Washington para makipagpulong kay Secretary of State John Kerry, na ang desisyon ng Pilipinas na maghain ng kaso sa tribunal sa The Hague ay “irresponsible to the Filipino people and the future of the Philippines.”
Tumanggi ang China na makilahok sa arbitration process, na kinondena nitong illegitimate. Inaasahan ang desisyon sa huling bahagi ng taong ito, matapos magpasya ang tribunal noong Oktubre na maaari nitong dinggin ang kaso.
Sinisi ni Wang ang Pilipinas sa pagsara ng pintuan para sa negosasyon sa Beijing kaugnay sa mga iringan at pagsusulong ng arbitration nang walang pahintulot ng China.
Sinabi niya na handa ang China na makipagnegosasyon “tomorrow.”
“We are neighbors just separated by a narrow body of water,” pahayag ni Wang sa Center for Strategic and International Studies think tank. “We want to contribute to the Philippines’ economic development.”
Samantala sa Beijing, sinabi ng Defense Ministry ng China na siniraan ng commander ng U.S. forces sa Pacific ang China sa pagsisikap nitong makakuha ng karagdagang pondo mula sa Congress.
Binatikos ni ministry spokesman Col. Wu Qian ang pahayag ni Adm. Harry Harris Jr. sa Congress kaugnay sa militarisasyon ng China sa karagatang mahalaga sa kalakalan ng mundo at paghahangad ng “hegemony” sa East Asia.
Mariing itinanggi ng China ang mga akusasyong ito at sinabi na ang Washington at ang mga kaalyado nito ang nagpapatindi sa tensiyon.
“I have noted that according to media reports, Adm. Harris made his remarks while seeking additional defense budget funds from Congress,” banggit ni Wu sa mga mamamahayag sa monthly news briefing.
“We don’t interfere in your seeking defense budget funds, but you can’t carelessly smear China while asking for more money,” giit niya.
Kinontra ni U.S. Defense Secretary Ash Carter ang pananaw na ito ng China.
“The reason these activities are getting noticed isn’t because the United States is doing something new,” diin ni Carter sa congressional testimony. “We’ve been sailing in the South China Sea — and will continue to sail wherever international law allows — for decades now. We’re not doing anything new.”