carlo copy copy

KUNG nakatrabaho na noong maliit pa siya, pinapangarap pa rin ng premyadong young actor na si Carlo Aquino na makatrabaho uli si Vilma Santos. Nakasama na niya noon si Ate Vi sa pelikulang Bata… Bata, Paano Ka Ginawa?

“Gusto ko talagang makatrabaho uli si Mommy Vi. Siguro kahit comedy drama na parang kagaya ng movie niya ngayong Everything About Her. Kumbaga, feel good sa umpisa pero pabigat nang pabigat hanggang sa ending, dramang-drama na talagang may hugot at hanep sa mga punchline, ang galing,” sey ni Carlo nang mainterbyu namin para sa promo ng I Will Survive serye.

Sa pelikulang Bata… Bata… napanood ang linyang paulit-ulit na naaalala ng lahat, ang “Akala mo lang wala, pero meron, meron, meron” na habang buhay nang nakatatak kay Carlo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Hindi ko rin nakakalimutan kung paano kami inalagaan noon ni Mommy Vi. Kaya nga sana nga, eh, maisama niya ako ulit sa susunod niyang project,” dagdag niya.

Tuwang-tuwa si Carlo na kasama siya ngayon sa tinawag niyang “feel-good show” na We Will Survive, pinagbibidahan nina Pokwang at Melai Cantiveros. Pilot telecast na sila sa Lunes, bago mag-TV Patrol.

“Masarap din ang pakiramdam kasi isa ito sa mga una kong ginawa na feel good lang. Hindi siya dramang-drama talaga, kaya nga excited ako kasi parang this is a first time para sa akin,” sabi ng magaling na actor.

Love interest ni Melai ang papel ni Carlo sa We Will Survive, kaya sila ang bagong love team ngayon. Isa raw siyang salesman ng isang beer company.

“’Yung una kaming pinagtagpo ni Melai sa serye, eh, pareho kaming broken-hearted, so, parang natuwa kami sa isa’t isa kaya hayun, nagsimula ‘yung istorya namin,” kuwento ni Carlo.

Kumusta naman si Melai bilang leading lady niya?

“Well, sobra siyang punung-puno ng energy, ang daming sinasabi lagi. Kahit anong oras ‘yan. Mula pa sa umaga hanggang sa magmadaling-araw na, eh, parang tuluy-tuloy pa rin ang energy. Sobrang saya naman sa set,” lahad pa ng unang naging ka-loveteam ni Angelica Panganiban. (JIMI ESCALA)