GENERAL SANTOS CITY – Nagawang maitabla ni International Master Joel Pimentel ang duwelo kontra Grandmaster Rogelio ‘Joey’ Antonio sa final round para makopo ang individual rapid event ng Bobby D. Pacquiao Random Chess Festival kahapon, sa SM City Mall dito.
Dahil sa draw, nahila ng 23-anyos mula sa College of St. Benilde, ang iskor sa walong puntos, sapat para makamit ang kampeonato laban sa isa sa pinakabeteranong chess GM sa bansa. Naiuwi niya ang tropeo at premyong P60,000.
Tumapos si Antonio sa ikalawang puwesto na may kabuuang 7.5 puntos. Nakatabla niya ang limang iba pang player, ngunit nakamit niya ang karangalan bunsod ng mas mataas na quotient kontra kina Rommel Ganzon, National Master Allan Macala, Jench Cajeras, Hamed Nouri at Kim Steven Yap.
Nakumpleto nina Robert Suelo, IM Ronald Dableo at IM Emmanuel Senador, na pawang may pitong puntos, ang top 10 sa torneo na inorganisa ng Eugene Torre Chess Foundation.
“Noong makalusot ako kay coach Dableo, doon na nga nagkaroon ng pag-asa na maging champion,” sambit ng pambato ng Bacolod City.
Iginiit ni Antonio, umusad sa championship match nang manalo kay Singapore-based Robert Suelo sa ika-walong round, na lubhang matatag ang posisyon ni Pimentel kaya tinanggap niya ang alok na draw.
“Hindi ko na pinilit. Alam ko naman na draw na lang ang kailangan ni Joel. Kung natalo pa kasi ako sa kanya, baka lumaglag pa ako sa mababang puwesto,” sambit ng many-time Chess Olympian.
“Okey na rin ‘yun. Magaling ‘yan si Joel at naging coach niya na rin ako dati,” aniya.
Si Antonio ang naging coach ni Pimentel sa Philippine Team na sumabak sa ASEAN age-group tournament noong 2006.