Nananatili sa kustodiya ng Pasay City Youth Homes ang 12-anyos na lalaki na nabistong nangongotong sa Rotonda-EDSA sa Pasay City, upang isailalim sa guidance counselling bagamat tinangka umano ng mga magulang na sunduin na ang binatilyo.

Isa hanggang dalawang buwang counseling ang ipagkakaloob ng Pasay Social Welfare Development kay alyas “Jhon”, kaya hindi muna siya palalayain.

Binawi ng bata ang una nitong pahayag na isa siyang miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) at nakikinabang sa perang nakokolekta sa mga driver ng pampublikong sasakyan na kanyang kinokotongan.

Iginiit ng bata na hindi siya nangongotong sa mga driver dahil kusang ibinibigay sa kanya ang pera.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ikinasa na rin ang hiwalay na imbestigasyon ng HPG at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa tauhan ng mga ito na idinawit ng bata na nakikiparte umano sa “kotong money”, kahit pa binawi na ng bata ang una nitong pahayag.

Bukod dito, iniaalam na rin ng awtoridad kung saan at paano nakapagpagawa ng uniporme ng pulis ang binatilyo.

(Bella Gamotea)