SINISIGURO ng Commission on Elections (Comelec) at Malcañang na walang magaganap na dayaan sa eleksiyon sa Mayo.
May mga nakatalagang magbantay upang maiwasan ito, pangako nila.
Ngunit, nagpahayag pa rin ang iba’t ibang sektor at political parties na hindi malabong magkaroon ng dayaan.
Hindi lang puro salita kundi seryosong tagapagbantay at reporma, panawagan nila.
Ipinahayag ng Palasyo at poll body ang kanilang kasiguruhan nang ilabas ng Pulse Asia survey na apat sa 10 Pilipino ang nangangambang baka may mangyaring dayaan sa national at local elections.
“Baka magkadayaan...,” bulong nina Maria at Juan.
Inamin ni Presidential Communications and Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na mayroon pa ring “doubts and fears” kaugnay sa kredebilidad ng paparating na halalan.
Ayon naman kay Comelec Chairman Andres Bautista, ginagawa ng poll body ang lahat ng kanilang makakaya upang masiguro ang kredibilidad ng halalan at mapanatiling malinis ang balota.
“Nais kong mapaganda ang imahe ng Comelec,”ani Bautista.
Dagdag pa ni Bautista, “hindi ko sinasabing imposibleng magkaroon ng dayaan dahil walang system na maaaring ma-hack” ngunit mayroon namang magbabantay, paniniguro ng Comelec head.
Lumalabas sa Pulse Asia na 65 porsiyento ng mga respondent ay naniniwala na ang vote buying ang isa sa mga posibleng paraan ng pandraya, kasunod ang tampering ng PCOS, dagdag-bawas sa bilangan ng boto, at ang flying voters.
Kinatatakutan din ang pagpapalit ng balota, pananakot sa mga botante, at pagnanakaw ng election machines.
Hiniling ni reelectionist senatorial candidate Richard Gordon sa Supreme Court na ipag-utos sa Comelec na payagan ang voting receipts o the voter verified paper audit trail (VVPAT) .
“Let’s activate VVPAT and other security features,” Flash Gordon presses. (FRED M. LOBO)