PARA sa kababaihan walang kasing-saya ang mayakap ang kanilang bagong silang na anak, ngunit sila rin ay nag-aalala sa mga pagbabagong mangyayari sa kanilang katawan. Maraming babae ang nagtatanong kung paano sila makapagbabawas ng timbang makalipas ang siyam na buwang pagbubuntis.
Upang malaman ang tamang paraan sa pagbabawas ng timbang matapos manganak, masusing nanaliksik ang Live Science.
Pinag-aralan ang postpartum weight loss at nakipag-ugnayan sa mga eksperto.
Napag-alaman na tatlong paraan lang ang kailangan upang mabawasan ang timbang ng bagong panganak:
*Maging determinadong alisin ang nadagdag na timbang dahil sa pagbubuntis
*Sabayan ng ehersisyo ang diet
*Mag-breastfeeding
“Most women naturally lose much of the weight they gained in pregnancy without much effort,” ayon kay Dr. Emily Oken, professor ng population medicine sa Harvard Medical School sa Boston.
“It’s not so much that [women] need to make major changes, but that they need to figure out how to fit in the healthy eating and activities they used to do,” sinabi ni Oken sa Live Science.
So, ano nga ba ang tamang timbang ng isang babae kapag siya ay nagdadalantao? Ito ay nakadepende sa kanyang body mass index (BMI) bago siya magbuntis.
Ayon sa Institute of Medicine (IOM), ang mga babaeng underweight ay kinakailangang magdagdag ng 28 hanggang 40 lbs.
(12.7 to 18.1 kg); ang mga babaeng may normal BMI ay kinakailangang magdagdag ng 25-35 lbs. (11.3 to 15.9 kg); ang mga overweight ay kinakailangang magdagdag ng 15-25 lbs. (6.8 to 11.3 kg); at ang mga obese ay kailangang magdagdag ng 11-20 lbs. (5.0 to 9.1 kg). (Ang kambal ang ipinagbubuntis ay inirerekomendang magdagdag ng mas mataas na timbang). (LiveScience.com)