BAGONG bihis ang Happy Truck Happinas at nagdagdag ng maraming segments tulad ng “Linggo Limbo,” “Dummy Kong Tawa,” “MY DIY (My Daddy Is Yummy),” “Mutya Ka ng Bayan” at ang remote segment na “Kalye Diva.”

May segments din na “Basagan ng Brains,” “IQ ay Pilipino,” “OJ In-Between,” “VideOK na,” “KantaRant,” “Quick and Answer,” “Pik Pak Boom,” “Walang Hulugan” at “Walang Basagan ng Trip.”

Bukod kina Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Gelli De Belen, Tuesday Vargas, Alwynn Uytingco, Tom Taus, Kim Idol, Akihiro Blanco, Ritz Azul, Eula Caballero, Sugar and Spice at Derek Ramsay ay idinagdag na ang bagong babies ng Viva Artists agency na kinabibilangan nina Alonzo Muhlach, Shy Carlos, Yassi Pressman, Meg Imperial, Bangs Garcia, Sam Pinto, Ella Cruz, Roxeee B, Kim Molina, Monica Cuenca at all male barkada, Yolol (You Only Live Once Lang) na binubuo nina Andrew Muhlach, VJ Marquez, Jason Salvador, Owy Posadas at Jack Reid.

Ayon kay Direk GB Sampedro, nakadalawang season ang dating Happy Truck, ikatlong season na ang Happy Truck Happinas kaya nag-reformat na.

Relasyon at Hiwalayan

Jak masaya pang sinalubong ang 2025; netizens, napansing iba ang kasama niya

“Basically, nagpalit kami ng games kasi sa labas, remote, ngayon studio na, ‘tapos medyo nag-shuffle ng cast, may mga nadagdag,” kuwento ni Direk GB. 

“May mga segment pa rin sa labas pero more on studio na kasi mas madaling mag-live sa studio, may interactive portion, may home partner, dati kasi wala kaming mga home partner, more on sa barangays ang games namin, doon kami nag-concentrate.”

Mas madali ba para sa kanya ang pagdidirek ng Happy Truck Happinas kaysa noong dumarayo sila sa iba’t ibang barangay sa Metro Manila?

“Actually, pareho lang, ang hirap lang sa labas ‘yung init pero ‘yung kung mapapabilis ‘yung show, hindi kami malilimitahan sa oras na given sa amin, ‘yun kasi ang dami naming games (ngayon).

“Sa simula pa lang may ‘Linggo Limbo,’ ‘Dami Kong Tawa,’ may segment pa kami ni Alonzo, so marami. Eh, dalawang oras lang kami ‘tapos may mga production numbers din kami,” sagot niya.

Magsisimula ang bagong Happy Truck Happinas sa Marso 6, 11 AM, kaya tinanong namin si Direk GB kung anong programa ang makakatapat nila.

“By 11, hindi ko alam, pero ‘pag 12 na, ang katapat namin ASAP, nauna naman kami ng isang oras sa ASAP,” katwiran ni direk GB.

Malakas ang ASAP, hindi ba sila nag-aalala in terms of ratings game?

“Positive thinking lang, dati na naming katapat ang ASAP, okay naman ang ratings, kasi sa totoo lang, hindi na ako tumitingin sa ratings, kasi nakaka-pressure ‘yan. So nagde-depend na lang kami sa feedback ng mga boss (TV5) at makikita mo naman, puno kami ng commercials, sa dalawang oras namin, nakaka-30 minutes kaming commercial load, there was a time pa na 35 minutes ang commercial load namin. Although minsan nag-20 (minutes), pero ang highest namin ay 35 minutes, siguro naman nagwo-work,” paliwanag ng HTH direktor.

Ito pa lang ang regular show ni Direk GB sa TV5, pero may coming soon siyang singing talent reality show na produced din ng Viva at TV5. Ang Happy Truck Happinas ay co-produced ng TV5, Viva at line produced ng Asian Academy of Television Arts (AATA) na pag-aari ni Ms. Wilma Galvante.

Samantala, inalam namin kay Direk GB kung bakit hindi natuloy ang nabalitaan namin dati na may offer ang ABS-CBN sa kanya.

“Open naman ako sa offer o bumalik sa Dos, kung baga, kung ano ang dumarating ngayon, tinatanggap ko at okay naman,” sagot niya.

Hindi niya tinaggap ang offer o hindi na siya binalikan ng Dos?

“Ha-ha-ha, hindi naman sa ganu’n, kung baga darating ‘yan sa tamang panahon, kung talagang ukol, bubukol,” tumatawang sagot ng direktor. “Eh, may bagong singing contest na iba ang concept, franchise siya sa Korea titled Mask Singers, kasi lahat ng contestants nakamaskara, parang ganu’n.”

Hindi naman binanggit ni Direk GB kung ito ang papalit sa Born To Be Star na kasalukuyang umeere. (Reggee Bonoan)