Hindi dapat ituring na “Golden Age” ng Pilipinas ang panahon ng rehimeng Marcos kundi isang “bangungot”na hindi na dapat mangyari muli sa pamamagitan ng pagbabalik sa poder ng pamilya ng yumaong diktador na si Ferdinand Edralin Marcos.

Tatlumpung taon matapos ang bloodless EDSA People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986, na nagpatalsik kay Marcos sa Malacañang, pinaalalahanan ni Pangulong Aquino ang publiko, lalo na ang kabataan, tungkol sa mga karahasan noong panahon ng batas militar kasabay ng panawagan na huwag hayaang mabawi ang kapangyarihan ng pamilya ng dating diktador dahil hindi pa humihingi ng paumanhin ang mga ito sa sambayanan.

Nagbabala si Aquino sa ilang mamamayan na ‘tila nakalimutan na ang diwa ng EDSA People Power Revolution at ngayo’y sumusuporta na sa kandidatura ng anak ni dating Pangulong Marcos, na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tumatakbo bilang vice presidential candidate sa eleksiyon sa Mayo 9.

“Bilang bahagi ng henerasyong pinagdusa ng diktadurya: Hindi golden age ang panahon ni Ginoong Marcos. Isa itong napakasakit na yugto ng ating kasaysayan,” sabi ni Aquino sa kanyang talumpati sa EDSA Shrine kahapon.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

“Gusto ko nga pong idiin: Hindi kathang-isip ang lahat ng ito. Hindi ito teorya o pananaw ng iilan lang. Totoong naganap ang Martial Law. May isang diktador, kasama ng kanyang pamilya at mga crony, na nagpakasasa sa puwesto, at ang naging kapalit nito, mismong buhay at kalayaan ng mga Pilipino,” dagdag ni Aquino.

Kung mayroon man, aniyang, natamasa ang sinasabing “Golden Age” noong panahon ng batas militar, iginiit ni PNoy na tanging ang pamilya Marcos at mga crony nito ang umabuso sa kapangyarihan at nagpayaman sa kabila ng pagbagsak ng ekonomiya, pagsupil sa kalayaan, at paglala ng kahirapan.

Dahil sa pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas, sinabi ni Aquino na ang martial law rin ang naging mitsa ng “golden age of brain drain” dahil napuwersa ang mga Pinoy na magtrabaho sa ibang bansa bunsod ng nararanasang kahirapan.

“Ngayon po, kung tama ang ilang survey na nagsasabing dumarami ang sumusuporta sa anak ng diktador na hindi kayang makita ang pagkakamali ng nakaraan, ang ibig po bang sabihin ay nalimot na natin ang sinabing, ‘Tama na, sobra na, palitan na’?” tanong ni Aquino. (GENALYN KABILING)