SA kanyang hindi nagmamaliw na pagsisikap na matulungan ang refugees sa mundo, napagitna tuloy si Pope Francis sa pakikipagpalitan ng pahayag sa American Republican presidential aspirant na si Donald Trump, na nagdeklarang kapag nahalal siya ay magtatayo siya ng isang higanteng pader sa buong 1,954-milyang (3,145-kilometrong) hangganan ng United States at Mexico.
Nanawagan si Trump para sa nasabing pader upang maitaboy ang maraming hindi dokumentadong migrante mula sa iba’t ibang panig ng South America na nais makapasok sa Amerika sa pamamagitan ng Mexico. Sarkastiko ang mga komento niya tungkol sa mga Mexican na nagtatangkang makapasok sa Amerika sa ilegal na paraan, karamihan, aniya, ay mga rapist, nagbebenta ng ilegal na droga, at kriminal.
Nasa huling araw ng kanyang pagbisita sa Mexico si Pope Francis nang tanungin siya tungkol sa plano ni Trump na magtayo ng pader upang itaboy ang mga migrante. Sumagot siya: “A person who thinks only about building walls, wherever they may be, and not building bridges, is not Christian. This is not the gospel.”
Ang pader ni Trump ay isa lang sa kanyang mga binabalak laban sa mga immigrant. Nais niya ring ipatapon ang bawat illegal immigrant mula sa Amerika, na kahit ang mga kapwa niya Republican presidential candidate ay nagsabing hindi maaaring magawa. Sa kasalukuyan, may 11.3 milyong hindi dokumentadong immigrant sa Amerika. Sa isang pag-aaral noong 2015 ng American think tank na American Action Forum, sinabing aabutin ng 20 taon ang pagtukoy at pagpapatapon sa ganoon karaming tao. Gagastusan din ito ng gobyerno ng Amerika ng $114 billion—sa pagdakip, pagpiit, pagsasagawa ng mga prosesong legal, at pagpapatapon. Samantala, dahil binubuo ng mga hindi dokumentadong immigrant ang 6.4 na porsiyento ng puwersa ng paggawa ng bansa, ang pagpapatapon sa kanila ay tiyak na makakapilay sa ekonomiya ng halos anim na porsiyento, o pagkaluging $1.6 trillion pagsapit ng 2035.
Ang palitan ng mga pahayag nina Trump at Pope Francis ay umagaw ng atensiyon ng mundo—kabilang na ang Pilipinas—dahil marami sa 11 milyong illegal immigrant na nais ipatapon ni Trump ay Pilipino. Tinagurian silang mga TNT o “tago nang tago”. Nagtungo sila sa Amerika sa iba’t ibang paraan—bilang mga turista, estudyante, o bisita na nag-overstay na sa kanilang mga visa. Ang iba ay dumaan pa sa Mexico, kasama ang ilang South American na nais itaboy ni Trump.
Noong 2014, naglatag ng plano si Pangulong Obama upang mapahintulutang mag-apply ng work permit ang may limang milyong hindi dokumentadong immigrant at kalaunan ay pagkakalooban ng permanent residency. Karamihan ay mga hindi dokumentadong magulang na ang mga anak ay isinilang sa Amerika, kaya mga American citizen. Gayunman, ang planong ito ni Obama ay tinanggihan ng Kongreso ng Amerika, na ngayon ay kontrolado ng mga Republican. Kasunod nito, isinulong naman niya ang plano sa pamamagitan ng executive action, ngunit hinarang ito ng isang federal appeals court.
Natuldukan na rito ang usapin, hanggang sa muli itong buhayin ng plano ni Trump na magtayo ng isang pader na tinugunan ni Pope Francis na ang sinumang ang nasa isip ay magtayo ng mga pader sa halip na mga tulay ay hindi isang Kristiyano.
Ang tugon ng Santo Papa ay kaugnay ng kanyang apela para ayudahan ng mga bansa sa Kanluran ang milyun-milyong immigrant mula sa Syria at iba pang refugees na desperado nang makatakas mula sa kabi-kabilang patayan sa kanilang bayan, at magsimulang muli sa kanilang mga buhay sa Europe at sa Amerika. Alinsunod din ito sa kahandaan ng Pilipinas na tanggapin ang refugees sa panahong labis nilang kinakailangan ang tulong, gaya ng mga Hudyo na tumakas sa mga Nazi noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang tinaguriang boat people mula sa Vietnam matapos salakayin ang Saigon noong 1975.
Sa pagpapatuloy ng kampanya para sa eleksiyon sa Amerika, patuloy din nating susubaybayan ang mga nangyayari roon para sa maraming dahilan. Isa sa mga ito ay kung ano ang kahahantungan ng pader ng kandidatong si Trump, dahil tiyak na makaaapekto ito sa maraming Pilipino.