MIAMI (AP) – Tuloy ang ratsada ng Golden States, gayundin ang dominasyon sa Miami Heat ngayong season.
Hataw si Stephen Curry sa natipang 42 puntos, tampok ang go-ahead 3-pointer sa huling 38 segundo, habang kumana si Klay Thompson ng 33 puntos, kabilang ang 17 sa final period para sandigan ang 118-112, panalo kontra sa Miami Heat Miyerkules ng gabi (Huwebes sa Manila).
Nag-ambag si Harrison Barnes ng 11 puntos at kumubra si Draymond Green ng 10 puntos at 11 rebound para sa ika-51 panalo sa 56 laro ng Warriors.
Ito rin ang ikalawang panalo ng Golden State sa Miami ngayong season.
Naitala ni Dwyane Wade ang season-high 32 puntos sa Miami, naglaro na wala si All-Star forward Chris Bosh, habang kumana si Hassan Whiteside ng 21 puntos at 13 rebound at tumipa si Luol Deng ng 11 puntos.
CAVS 114, HORNETS 103
Sa Cleveland, tumipa ng tig-23 puntos sina LeBron James at Kyrie Irving sa panalo ng Cavaliers kontra Charlotte Hornets.
Nanguna sa Charlotte si Kemba Walker na may 20 puntos.
Naitarak ng Cleveland ang 63-52 bentahe sa halftime matapos magtumpok ng 40 puntos sa second period.
BULLS 109, WIZARDS 104
Sa Chicago, ginapi ng Bulls, sa pangunguna nina Taj Gibson at E’Twaun Moore na kumubra ng tig-17 puntos, ang Washington Wizards.
Sakabila ng dinaramang lagnat, nagtumpok si Pau Gasol ng 10 puntos, 15 rebounds at siyam na assists para sa Bulls, sumabak na wala ang leading scorer na si Derrick Rose, gayundin ang All-Star na si Jimmy Butler at Nikola Mirotic dulot ng injury.
RAPTORS 114, WOLVES 105
Sa Toronto, napantayan ng Raptors ang franchise record na siyam na sunod na panalo sa home game nang ngatain ang Minnesota Timberwolves.
Kumubra si DeMar DeRozan ng 31 puntos, habang tumipa si Kyle Lowry ng 21 puntos para patatagin ang kampanya ng Raptors sa playoff tangan ang 38-18 marka.
May pagkakataon ang Raptors na malagpasan ang home-winning streak sa laro laban sa Cleveland Cavaliers sa Biyernes (Sabado sa Manila).