NANANATILING Kapuso si Mike Enriquez matapos ang kanyang muling pagpirma ng kontrata sa GMA Network nitong nakaraang February 24.
Dumalo sa contract signing sina GMA Network Chairman and CEO Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto R. Duavit, Jr., EVP and CFO Felipe S. Yalong, at SVP for News and Public Affairs Marissa L. Flores.
“Higit sa lahat, ito ay nagpapakita ng pagtitiwala ng pamunuan ng Network. Ito naman ay hamon din na huwag basagin ang tiwala nila na maging totoo sa ating sinasabi na magbalita ng walang kinikilingan at walang pinoprotektahan,” pahayag ng batikang mamamahayag na mula 1995 ay bahagi na ng Kapuso Network.
Si Mike Enriquez ay napapanood bilang isa sa mga anchor ng flagship newscast ng GMA na 24 Oras, at host ng investigative public affairs program na Imbestigador. Mapapakinggan din siya sa Saksi sa Dobol B at sa election special na Ikaw na Ba? The Presidential and Vice Presidential Interviews sa Super Radyo DZBB.
Samantala, pinuri ng pamunuan ng GMA si Enriquez dahil sa kanyang husay sa pamamahayag at patuloy na katapatan sa Network.
“Hindi pa ako pumapasok dito [sa GMA], institusyon na si Mike sa News,” saad ni Atty. Gozon. “Sa madaling salita, talagang si Mike ang embodiment ng News natin dito. Sa loyalty hindi matatawaran si Mike.”
Ayon naman kay Duavit, “Nariyan ‘yung pagtitiwala sa isa’t isa. Nariyan ‘yung pagtanaw ng pinagsamahan at pagnanais na pahabain pa lalo ito. Nagpapasalamat kami kay Mike at patuloy ang kanyang pagtitiwala.”
Ngayong 2016, muling umani ng mga parangal si Enriquez kabilang ang Adamson Media Award 2016 bilang pagkilala sa kanyang pagiging boses ng mahihirap at marginalized sa pamamagitan ng kanyang mga program sa radyo at telebisyon.
Kasama ang kanyang mga co-anchor sa 24 Oras na sina Mel Tiangco at Vicky Morales, isa rin si Enriquez sa mga pinarangalan sa Gawad Bagani 2016 Gawad Para sa Makabagong Mandirigma sa Larangan ng Telebisyon ng University of the East bilang isa sa mga kinikilalang “warriors” sa mainstream media o tagapagtanggol laban sa kawalan ng katarungan sa lipunan dahil sa kahirapan.
Si Mike Enriquez ay may posisyon din bilang GMA Network Consultant for Radio Operations.