NOONG Setyembre 23, 1972, dakong 5:00 ng madaling araw, dinampot ako ng limang unipormado at armadong sundalo sa loob ng aming tahanan sa Sta. Cruz, Manila. Sa aking paglabas, nalaman kong marami pala silang kasama na nakapaligid sa aking bahay. Sila ay lulan ng dalawang kotse at isang 6x6 truck. Sa unang kotse nila ako pinasakay at dinala sa PC Gymnasium sa Camp Crame. Dinatnan ko sa loob ang mga senador, Constitutional Convention delegate, labor and student leader, mediamen at government official.
Hindi pa ako nagtatagal, inilipat na sina Sen. Aquino, Diokno, Soc Rodrigo at iba pa sa Fort Bonifacio. Pero bago sila ilipat, sumama ako sa kanilang grupo dahil naroroon sina Ignacio Lacsina at Voltaire Garcia na nakasama ko sa labas. Narinig ko ang kanilang pag-uusap na hindi naman daw magtatagal ang pagkakapiit namin at aalisin na ni Pangulong Marcos ang martial law dahil ang nais lang niya ay mapatahimik ang kanyang mga kritiko. Pero, mali pala sila. Dahil nabigla ang lahat sa ginawa nito ay walang nakakilos kaagad, kaya itinuluy-tuloy na niya ito. Sa panahong iyon ay matatapos na ang kanyang termino.
Habang kami ay nasa loob, ginawa ang gym na isang piitan. Dahil noong una ay kakaunti kami, masarap ang agahan at pananghalian. Hindi na maganda ang pagkain namin kinagabihan dahil dumami na kami.
Nagpasok ng telebisyon ang isang sundalo at ito ay binuksan. Channel 9 lang mayroon ang TV. Lumabas si Pangulong Marcos at inanunsyo na noong Setyembre 21 ay nilagdaan niya ang Presidential Decree 1081 at inilalagay niya ang buong bansa sa ilalim ng martial law. Binasa ni Press Secretary Tatad ang laman ng dekreto at binasa niya rin ang listahan ng mga nasa kustodiya na ng gobyerno.
Tatlong araw na akong nasa loob ng PC Gymnasium at dakong 11:00 ng gabi ay inilabas ako at dinala sa isang gusali at doon inimbestigahan. At eksaktong 2:00 ng madaling araw na natapos ang imbestigasyon. Isang linggo akong halos hindi makatulog. Kusa na lang nagsasara ang aking mga mata sa pagod.
Dahil sa nagsisiksikan na kami sa gym sa dami ng mga nahuli, inilipat kami sa Fort Bonifacio. Ang camp commander namin ay si Defense Secretary Gazmin na noon ay 1st Lt. pa lang. Narito kami nang mangyari ang tangkang pagpatay kay First Lady Imelda Marcos. Pagkatapos ng ilang araw, inilipat na ako sa PC stockade para litisin na umano ng Military Tribunal. (RIC VALMONTE)