‘Tila nauubos na ang mga kontrabandong nakukumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa pagpapatuloy ng “Oplan Galugad” sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon.
Ayon kay NBP chief Supt. Richard Schwarzkopf Jr., muling sinuyod ng awtoridad ang mga selda sa Quadrant 3 ng Maximum Security Compound na roon nakapiit ang mga kasapi ng Happy Go Lucky gang, at nakumpiska ang ilang cell phone, headset, appliances, drug paraphernalia at P83,000 cash.
Ayon sa opisyal, mas kakaunti na ang mga ipinagbabawal na gamit na nakukumpiska sa mga inmate, patunay na tagumpay ang kanilang operasyon laban sa mga kontrabando at magagarbong “kubol” sa NBP.
Kabilang sa mga giniba ng awtoridad ang isang malaking kubol na 11 taon nang tinitirhan ni Ramon Caja, kasama ang limang preso sa Quadrant 2.
Bukod dito, winasak din ng prison officials ang “headquarters” ng Batang Cebu gang, habang siyam na kasaping bilanggo ng grupo ang pansamantalang inilipat sa isang selda para isailalim sa imbestigasyon.
Samantala, kinumpirma ni Schwarzkopf na maayos na ang kondisyon ni Prison Guard 1 Arnel Burmoy na pinagbabaril ng dalawang hindi nakilalang suspek na sakay sa motorsiklo sa Rizal Street, Barangay Poblacion, dakong 6:00 ng gabi.
Sinisiyasat ng awtoridad ang motibo sa pamamaril sa biktima na posibleng may kinalaman sa pagpapatupad ng “Oplan Galugad” sa NBP. (Bella Gamotea)