chess copy

GENERAL SANTOS CITY – Binokya ng Elegant Houses ng Pampanga ang top seed, ang co-leader Bobby Pacquiao Team C, 4-0, sa final round upang angkinin ang kampeonato sa team event ng Bobby D. Pacquiao Random Chess Festival, kahapon sa Trade Hall ng SM Mall dito.

Ginapi ni Grandmaster Darwin Laylo, naglaro na may itim na piyesa, si GM Jayson Gonzales sa Board 1, habang namayani ang mga kasangga niyang sina Edsel Montoya, Norman Longias at Gerry Milan kontra kina Alfredo Rapanot, Kevin Mirano at Elnathan Emilio, ayon sa pagkakasunod.

Nakopo ng Elegant ang kabuuang 12 puntos.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nakatabla ng grupo ni Laylo ang Team NICA Ilonggo at Pacman Team A sa liderato, ngunit nakuha nila ang titulo tangan ang mas mataas na puntos sa quotient system.

Tinalo ng Team NICA Ilonggo ang Gensan Omicrons, 2.5-1.5, habang pinataob ng 13th seed Pacman Team A ang No. 3 favorite at dating solo lider na Novelty Chess Club-Bulacan, 2.5-1.5.

Batay sa regulasyon, hahatiin ng tatlong koponan ang premyong P960,000.

Nakamit naman ni Laylo ang dagdag na P6,000 bilang top player.

Samantala, matikas na sinimulan nina Grandmaster Joey Antonio at International Masters Oliver Dimakiling, Ronald Dableo, Rolando Nolte at Haridas Pascua ang kani-kanilang kampanya sa individual championship ng torneo.