Upang mapawi ang mga pagdududa ni dating Senador Panfilo Lacson sa ipinapangako ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na lilipulin niya ang kriminalidad at kurapsiyon sa loob ng anim na buwan, sinabi ng prangkang pambato sa pagkapangulo ng PDP-Laban na gagayahin niya ang ginawa ng dating senador sa pagbuwag sa Kuratong Baleleng gang, nang si Lacson pa ang hepe ng nabuwag na ring Philippine Anti-Crime Commission (PACC) noong 1995.

Malinaw na tinutukoy ni Duterte ang pagpatay sa 11 miyembro ng Kuratong Baleleng sa umano’y engkuwentro sa mga operatiba ng PACC, sa pangunguna ni Lacson, sa Quezon City noong 1995.

Nang kuhanan ng reaksiyon sa pagdududa ni Lacson na matutupad ni Duterte ang pangakong gagawing mapayapa ang bansa sa loob lang ng anim na buwan kapag nahalal na presidente, sinabi ng alkalde na magiging gabay niya ang ginawang pagbuwag ni Lacson sa Kuratong Baleleng.

“When you go against the criminal syndicates...kita mo si Lacson sa Baleleng. Ganun din,” sabi ni Duterte.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Una nang nagpahayag ng duda si Lacson kung matutupad ni Duterte ang ipinangako nito sa una sa serye ng presidential debate, na idinaos sa Cagayan de Oro City nitong Linggo.

“Without taking anything away from Mayor Duterte, knowing he had proven his ability in Davao City, I think that promise would be difficult to fulfill. It’s not doable,” sabi ni Lacson.

Bagamat sinabing gagayahin niya ang ginawa ni Lacson sa Kuratong Baleleng, iginiit ni Duterte na idadaan pa rin niya sa due process ang pagsugpo niya sa mga kriminal.

“Due process pa rin ‘yung sinunod niya doon. Ganun din,” ani Duterte.

Gayunman, matatandaang inakusahan si Lacson at ang PACC ng pag-salvage sa mga miyembro ng Kuratong Baleleng, at hindi umano totoong nagkaroon ng shootout noong Mayo 18, 1995. Kinasuhan ng multiple murder si Lacson at ang kanyang mga tauhan, ngunit kalaunan ay inabsuwelto rin siya. (BEN ROSARIO)