Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DoLE) na hindi pa umaabot sa critical level ang retrenchment ng mga overseas Filipino worker (OFW), sinabing walong Pinoy pa lang ang napabalik sa bansa bunsod ng patuloy na pagbulusok ng presyo ng produktong petrolyo sa Saudi Arabia.
Sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs nitong Miyerkules, iniulat ni Labor Undersecretary Nicon Fameronag na sa 196 na OFW na natulungan ng Assist WELL (Welfare, Employment, Livelihood and Legal services) program ng DoLE, walo lamang sa mga ito ang pinauwi ngayong Pebrero kaugnay ng pagbulusok ng presyo ng produktong petrolyo sa oil-rich kingdom.
Ngunit nagbabala si Famenorag na 10-12 porsiyento o 2.3 milyong OFW sa Middle East, o nasa 751,000, partikular na ang mga semi o low-skilled worker, ang maaapektuhan sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis.
Kaugnay nito, sinabi ni Fameronag nagbukas ang DoLE ng 20 Assist WELL center upang ayudahan ang mga OFW na maaapektuhan ng tinatawag na employment crisis sa Saudi Arabia.
Dagdag niya, nasa P2 bilyon ang inilaang national reintegration loan fund para sa mga maaapektuhang OFW.
(Charissa M. Luci)